|
||||||||
|
||
Pagdiriwang sa Bataan Technology Park sa Linggo sa karangalan ni Blessed Pope John Paul II
PAMUMUNUAN ni Balanga (Bataan) Bishop Ruperto C. Santos ang isang Concelebrated Mass sa Memorial Shrine ni Blessed John Paul II sa Bataan Technology Park sa Morong, Bataan sa ganap na ika-pito ng umaga sa Linggo.
Maitatanghal na sina Blessed John Paul II at Blessed John XXIII na mga santo ng Simbahang Katolika sa pamumuno ni Pope Francis sa seremonyang idaraos sa Vatican City.
Ani Bishop Santos, makahulugan at makasaysayan ang pagmimisa sa Linggo sapagkat doon din nagmisa si Pope John Paul II noong Sabado, ika-21 sa buwan ng Pebrero noong 1981. Dumalaw si Blessed John Paul II noon sa tinatawag ng Philippine Refugee Processing Center na tinitirhan ng mga nagsilikas sa Vietnam, Cambodia at Laos ng mga kinilalang boat people.
Ayon kay Bishop Santos, makatwiran lamang na magdiwang sa pamamagitan ng Misa sa pook na kanyang dinalaw may may 33 taon na ang nakalilipas. Dinalaw niya noon ang mga refugee at nakiisa sa kanilang kalagayan.
Mahalaga rin ang ika-27 ng Abril sapagkat ito ang kapistahang kanyang itinatag, ang Divine Mercy Sunday. Ayon kay Bishop Santos, isa sa pinakamaiksing panahon ang ginugol sa pagsusuri ng buhay at kabanalan ni Pope John Paul II.
Ang memorial shrine ay itinatag noong unang araw ng Mayo, 2011 bilang pagkilala sa beatification, ang hakbang na nagdeklara sa kanya bilang isang beato o blessed. Ilulunsad rin ang Chapel Construction Project pagkatapos ng Misa ganap na ika-pito ng umaga.
Dadalo rin si Congresswoman Herminia Roman, ang punong-abala sa Foundation na nasa likod ng construction project. Ayon sa mambabatas, karangalan niyang makapiling ang Santo Papa noong 1981 sa pagdalaw sa Morong. Lalahok din ang mga kinatawan ng Bases Conversion Development Authority na tumulong sa pagtatayo ng kapilya noong 2011.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |