|
||||||||
|
||
NANGAKO si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na magpapatuloy ang modernization ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at bibigyang-diin ang Philippine Air Force.
Ito ang kanyang binigyang pansin sa pagkakahirang kay Maj. General Jeffrey Delgado bilang Commanding General ng Philippine Air Force sa seremonyang idinaos sa Fernando Air Base sa Lipa City kanina.
Ipagpapatuloy din ang mga repormang sinimulan ni Lt. General Lauro Catalino dela Cruz na nagretiro kanina sa pagsapit ng kanyang ika-56 na kaarawan.
Si General Delgado ang ika-33 pinuno ng Philippine Air Force at isang combat pilot at mula sa Philippine Military Academy Class of 1982.
Sinabi ni Pangulong Aquino na higit na titibay at lalakas ang mga kawal sapagkat mayroong pamahalaang tunay na kumakalinga sa kanila.
Matapos ang serbisyo ng F-5 freedom fighter jets, sinabi ni Pangulong Aquino na nais niyang bumili ng mga bagong jet upang makapagsanay ang mga pilotong Pinoy.
Ani Pangulong Aquino, mula sa susunod na taon, makatatanggap na ang Philippine Air Force ng 12 mga bagong FA50 jets mula sa South Korea. Bibili rin ang pamahalaan ng walong combat utility helicopters, anim na close air support aircraft at dalawang long-range patrol aircraft at radar systems upang lumakas ang kakayahan ng sandatahang lakas ng bansa.
Balak din ng pamahalaan magkaroon ng full-motion flight simulator. Sa ilalim ng liderato ni General dela Cruz, nagkaroon ng C-130 planes, walong Sokol combat utility helicopters at 18 basic trainer aircraft.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |