Nitong Biyernes, Mayo 3, 2019, nag-usap sa telepono sina Pangulong Vladimir Putin ng Rusya at Pangulong Donald Trump ng Amerika para talakayin ang tungkol sa bilateral na relasyon at mga isyung pandaigdig.
Sa isang pahayag na inilabas ng Rusya, sinabi nito na pinag-usapan ng mga lider ng dalawang bansa ang tungkol sa kasalukuyang kalagayan at prospek ng bilateral na relasyon, at kooperasyong pangkabuhayan. Anito, nakahanda ang dalawang panig na pasulungin ang relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan na may mutuwal na kapakinabangan.
Anito pa, pinag-usapan din ng dalawang lider ang situwasyon ng Ukraine. Ipinagdiinan ni Putin na ang Minsk Agreement ay may mahalagang katuturan para malutas ang mga problemang panloob ng Ukraine. Kailangang isagawa ng bagong liderato ng Ukraine ang aktuwal na hakbangin upang maisakatuparan ang kasunduang ito, aniya pa.
Kaugnay naman ng situwasyon ng Venezuela, ipinagdiinan ni Putin na wala iba kundi ang mga mamamayan ng Venezuela ay may karapatang pagpapasiyahan ang kinabukasan ng kanilang bansa. Ang panghihimasok ng mga dayuhang puwersa sa mga suliraning panloob ng bansang ito ay makakasira sa prospek ng paglutas sa krisis sa paraang pulitikal, dagdag pa niya.
Salin: Li Feng