Sa pamamagitan ng pagpapakita ng likas na talento at pagkamasining ng mga Pilipino, lumahok ang Philippine Department of Tourism (PDOT) sa Asian Culture and Tourism Exhibition (ACTE) na ginanap sa National Agricultural Exhibition Center sa Beijing na ginanap mula Mayo 16-18, 2019.
Sa tatlong araw na ACTE, itinampok ng PDOT ang mga pagtatanghal na nagpakita ng galing ng mga Pilipino sa pag-awit at pagsayaw. Higit dito, layon ng mga presentasyon na ilahad ang mayaman, makulay at natatanging kultura ng Pilipinas upang mas makilala at maunawaan ng mga Tsino ang Pilipinas bilang isang bansa, hindi lamang isang travel destination.
Mayo 16, itinanghal ng Grupong Kayumanggi ang maikling konsyerto ng mga sikat na awiting Pinoy. Kinagiliwan ng mga manonood na Tsino ang panonood at pagkatapos nito ay kanilang sinubukan mismo ang pag-indak sa Pambansang Sayaw ng Pilipinas na Tinikling.
Sa ikalawang araw ng ACTE noong Mayo 17, isang fashion show naman ang ibinida ng Pilipinas. Sa tulong ng mga miyembro ng grupong Filipino Community in Beijing (FilComBei), ibinahagi ang iba’t ibang istilo ng Barong na isinuot ng kapwa bata at matanda. Samantalang namangha naman ang mga Tsino kung gaano ka-elegante at moderno ang kasuotang pambabae na Terno.
Sa huling araw nitong Mayo 18, isang kumpletong performance ang inihandog ng Performing Arts Group ng The Filipino Teachers. Suot ang magagarang traditional costumes, itinanghal ng TFT ang Pandango Rinconada, Mamang Sorbetero, Kastilyong Buhangin, La Jota Moncadena, Pastores a Belen at Piliin Mo ang Pilipinas.
Sa kanyang mensahe sa Ingles na ipinadala sa CRI Serbisyo Filipino, sinabi ni Tomasito Umali, Tourism Attaché ng PDOT Beijing na “Ikinagulat ko at taos-pusong akong nagpapasalamat sa kooperasyon at makabuluhang suporta ng mga kababayan sa Beijing. Sa kabila ng pagiging abala sa kani-kanilang mga trabaho at mga pinagkakaabalahan, naglaan sila ng oras sa pag-eensayo.” Dagdag pa ni Umali, sa kabila ng kakulangan sa resources, sa pamamagitan ng pagtutulungan ng lahat ng mga Pilipino ay nakasali ang Pilipinas sa ACTE at naging bahagi ng pagdiriwang ng kapayapaan, kaligayahan at kasaganaan ng bansang Tsina.
Ang ACTE ay bahagi ng pagdiriwang ng Ika-70 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Tsina. Isa sa mahalagang kaganapan sa ACTE ay ang Asian Travel Operator Conference kung saan lumahok ang may 300 travel operators mula sa iba’t ibang bahagi ng Tsina.
Isa sa mga paksang tinalakay sa kumperensiya na ginanap noong Mayo 16 ay “Let Culture Guide the Movement and Exchange of Tourism Products” na dinaluhan ni Ambassador Jose Santiago Sta. Romana.
Ulat: Mac Ramos
Larawan / Videos : PDOT
Si Tito Umali (gitna) kasama ang mga miyembro ng FilComBei matapos ang fashion show ng Barong at Terno
Ang Performing Arts Group ng The Filipino Teachers
Ang Grupong Kayumanggi
Si Ambassador Jose Santiago Sta. Romana