"Aming dinadakila si Rizal bilang ama ng bayan hindi dahil ipinanalo niya ang aming kalayaan, ngunit dahil ang kanyang mga mithiin ang nagbibigay ng tunay na kahulugan sa aming kalayaan. Sa pamamagitan ni Rizal, napagtibay ng mga Pilipino ang pagkikiisa sa sangkatauhan sa kanilang sama-samang adhikaing itatag ang isang mundong malaya, makatarungan at makatao," ito ang pahayag ni Ambassador Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, sa Pagdiriwang ng Araw ni Rizal at Diplomatikong Resepsyon para sa Pagtatapos ng Taon na ginanap sa Sentro Rizal ng Pasuguan ng Pilipinas sa Beijing ngayong araw, Disyembre 18, 2019.
Jose Santiago Sta. Romana, habang nagtatalumpati sa "Komemorasyon ng Kabayanihan ni Dr. Jose P. Rizal at Panapos na Taong Resepsyon," sa Embahada ng Pilipinas sa Beijing, Disyembre 18, 2019
Ani pa ni Sta. Romana, si Rizal ang pinakamagaling na anak ng bayan na nagpakita ng lubos na katalinuhan ng mga Pilipino. Sa kanyang panahon, inilantad ng pambansang bayani ang kanser ng lipunan. At binuo sa isipan ang kinabukasang lipos ng pag-asa.
Ngayon sa makabagong panahon, saad pa ng Sugong Pilipino, si Rizal ay binibigyang-galang di lamang ng mga sariling kababayan, kundi ng lahat ng mga mamamayang pinahahalagahan ang mga paninindigang kaniyang isinasagisag.
Si Rizal ay makabayan at siya rin ay makatao. Naniniwala siya sa karapatan ng isang tao na piliin ang magiging takbo ng kanyang buhay. Ang bawat tao ay may karapatan sa edukasyon, lahat ng lipunan ay dapat ipatupad ang katarungan, at hindi dapat supilin ng sinumang namumuno ang karapatan ng kalayaan ng isang mamamayan. Ang mga kaisipang ito ay unibersal. Si Rizal ay mamamayan ng dagidig, aniya pa.
"Ang diwa ng kalayaan at katarungan ang siyang pumapatnubay sa Pilipinas sa pagpapatupad nito ng nagsasariling patakaran sa ugnayang panlabas (independent foreign policy) na layon ay kapayapaan at kaunlaran. Kung ang Pilipinas sa kasalukuyan ay isang responsableng miyembro ng komunidad ng daigdig, ito ay dahil sa patuloy na pagtalima sa mga itinuro ng pambansang bayani," saad ni Sta. Romana.
Dumalo sa pagdiriwang ang mga diplomata mula sa 13 bansang dinalaw ni Rizal. Kasama rin ang mga faculty at mag-aaral ng Philippine Studies sa Peking University at Beijing Foreign Studies University.
Sina Jethro Tenorio, Visiting Faculty ng Peking University, (kaliwa) Ambassador Jose Santiago Sta. Romana (gitna) Ariel Diccion, Visiting Faculty ng Beijing Foreign Studies University
Sa kauna-unahang pagkakataon ay naki-isa sa pagdiriwang ng Rizal Day si Jethro Tenorio, Visiting Faculty ng Peking University. Sa panayam ng CMG Filipino Service sinabi niyang, "Magkahalong pagmamalaki at pangungulila ang naramdaman ko. Pagmamalaki dahil heto ako sa ibang bansa kasama ang iba pang mga banyaga at lokal ng bansang ito, na ginugunita ang kadakilaan ni Rizal. Masarap sa pakiramdam na makitang kilala at kinikilala siya hindi lang ng mga Pilipino kundi maging ng mga dayuhan bilang isang huwarang indibidwal. Pangungulila rin dahil tulad ng maraming beses na isinulat ni Rizal sa kanyang pamilya, lagi't laging nasa alaala niya ang bayan, ang kanyang ina, at ang kanyang buhay sa Pilipinas. Siguro ganoon din ako dito, habang nagtuturo ng Filipino sa mga estudyanteng Tsino, lagi't laging may kurot ng pangungulila sa bawat klase, dahil nga naaalala rin ang bayang pansamantalang iniwan."
Madalas na dumadalo si Ariel Diccion, Visiting Faculty ng Beijing Foreign Studies University sa mga aktibidad sa pasuguan. Hinggil sa naging mensahe ni Ambassador Sta. Romana sinabi niyang, "Tumatak sa akin yung huling bahagi ng mensahe ni Amba, na si Rizal ay mamamayan ng daigdig (Rizal belongs to the world). Pagpapatotoo iyon para sa akin na bisyonaryo talaga si Rizal. Bago pa man ang panahon ng globalisasyon, hayun na siya, naglulublob sa mga usapin at pamumuhay ng iba-ibang lahi sa daigdig. Kaya ang mulat na kamalayan niya ay hindi lamang hinubog ng sariling mga karanasan. Iminulat siya ng daigdig. At sa palagay ko iyon ang panawagan sa atin. Hindi sapat na pisikal tayong nagiging mga mamamayan ng daigdig sa pamamagitan ng mga paglalakbay at paghahanapbuhay. Tulad ni Rizal, kailangan nating pakinggan ang sinasabi sa atin ng daigdig, tungkol sa mga karanasan at isyung dapat nating harapin tulad ng isyu ng pangangalaga sa kalikasan, karapatang-pantao, katarungan, ekonomikong kapakinabangan, at marami pang iba. Sa mga karanasan ng daigdig, na lagpas sa sariling mga karanasan, natututo tayo ng pagtanggap sa mga kaibhan, ng paglabas mula sa mga pansarili at kumportableng pananaw, ng pagsusulong ng mas makataong paraan ng pamumuhay. Sa palagay ko iyon ang tunay na pagiging mamamayan ng daigdig."
Si Amb. Sta. Romana (gitna) kasama ng mga mag-aaral at faculty ng Philippine Studies Department ng PKU at BFSU
Anong aral ni Rizal ang dapat isabuhay ng kanilang mga estudyanteng Tsino? Tugon ni Tenorio, "Sa panahon natin ngayon, nakatutuwang makita na may nga kabataang marunong manindigan para sa kapakanan, hindi lamang ng sariling bayan, kundi ng buong daigdig. Mga tunay silang mamamayan ng daigdig. Sana mahawa ang marami pang kabataan sa ganoong enerhiya. Nang sa gayon, ang panawagan ni Rizal sa kabataan ng bawat henerasyon at bawat panahon ay patuloy na umalingawngaw at maging napapanahon."
Ulat: Mac
Larawan: Mac / Rhio
Web Editor: Jade / Li Feng