Moscow, Rusya—Nagsanggunian nitong Lunes, Enero 13, 2020 sina Luo Zhaohui, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina, at kanyang Russian counterpart na si Igor Morgulov hinggil sa isyu ng Korean Peninsula at kalagayan sa rehiyong Asya-Pasipiko.
Ipinalalagay ng kapuwa panig na ang pagpapahupa sa kalagayan ng peninsula sa pamamagitan ng diyalogo ay angkop sa komong kapakanan ng iba't ibang panig, at ito rin ang unibersal na pananabik ng komunidad ng daigdig. Nanawagan sila sa Hilagang Korea at Amerika na igiit ang tumpak na direksyon ng diyalogo't pagsasanggunian, at aktibong hanapin ang mabisang paraan ng pagsira sa deadlock at paglutas sa pagkabahala ng isa't isa. Inulit din nila ang pagkatig sa pagpapabuti ng relasyon ng Timog Korea at Hilagang Korea, maging ng pagpapasulong sa rekonsilyasyon at kooperasyon.
Kapuwa sinang-ayunan ng dalawang opisyal na sa harap ng masalimuot na kalagayang panrehiyon, dapat ibayo pang palakasin ng Tsina at Rusya ang koordinasyon sa mahahalagang isyu ng rehiyong Asya-Pasipiko, at patingkarin ang konstruktibong papel para sa pangangalaga sa estratehikong katatagan at kasaganaan ng kabuhayan ng rehiyon.
Salin: Vera