Sa pamamagitan ng video conference, nakipag-ugnayan nitong Lunes, Pebrero 17, 2020 ang Beijing Organizing Committee ng 2022 Olympic at Paralympic Winter Games sa mga mataas na opisyal ng International Olympic Committee (IOC) tungkol sa mga gawaing preparatoryo ng nasabing dalawang palaro.
Sa kasalukuyan, bumalik na sa kani-kanilang trabaho ang mga tauhan ng Beijing Organizing Committee. Ipinahayag ni Zhang Jiandong, Pangalawang Mayor ng Beijing at Pangalawang Tagapangulo ng naturang komisyon, nang mabalitaan ang epidemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), nagpadala ng liham sa panig Tsino si Thomas Bach, Tagapangulo ng IOC. Ani Bach, nananalig siyang ang epidemiya ay hindi makakaapekto sa gawaing preparatoryo ng mga palarong ito.
Ipinahayag naman ni Juan Antonio Samaranch Jr., Pangalawang Tagapangulo ng IOC, na sa kalagayang nahaharap ang Tsina sa kahirapan at masalimuot na epidemiya, buong tatag na kinakatigan ng IOC ang Beijing Organizing Committee. Aniya, ang malakas na puwersa ng Tsina sa proseso ng pagpuksa sa epidemiya ay nag-iwan ng malalim na impresyon sa kanya, at ipinagmamalaki niya ang mga mabisang hakbangin at determinasyon ng Tsina sa pagpuksa sa epidemiya. Nananalig aniya siyang tiyak na pagtatagumpayan ng Tsina ang naturang epidemiya sa lalong madaling panahon.
Salin: Vera