Nakipag-usap sa telepono kahapon, Biyernes, ika-28 ng Pebrero 2020, si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, kay Pangulong Sebastian Pinera ng Chile, para makipagpalitan ng impormasyon hinggil sa epidemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Sinabi ni Xi, na isinasagawa ng Tsina ang mga pinakakomprehensibo, pinakamahigpit at pinakakompletong hakbangin laban sa epidemiya, at ginagawa rin ang pinakamalaking pagsisikap para maiwasan ang pagkalat ng sakit sa daigdig. May kompiyansa, kakayahan, at katiyakan ang Tsina para manalo sa pakikibaka sa epidemiya, diin ni Xi.
Pinasalamatan din ni Xi ang mga bansang kinabibilangan ng Chile sa pagsuporta sa mga gawain ng Tsina para sa pagpigil at pagkontrol sa epidemiya.
Ipinahayag naman ni Pinera ang pakikiramay sa panig Tsinong apektado ng epidemiya ng COVID-19, at ang pagsuporta sa pagsisikap ng Tsina laban dito. Nananalig aniya siyang, pagtatagumpayan ng Tsina ang epidemiya sa lalong madaling panahon.
Salin: Liu Kai