Xi Jinping, pinasalamatan ang Cuba sa paggalang at pagsuporta sa paglaban ng Tsina sa COVID-19

Share with:

Nakipag-usap sa telepono kahapon, Biyernes, ika-28 ng Pebrero 2020, si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, kay Pangulong Miguel Diaz-Canel ng Cuba, para makipagpalitan ng impormasyon hinggil sa epidemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Pinasalamatan ni Xi ang mga lider na Kubano sa pagpapahayag ng pakikiramay sa panig Tsino kaugnay ng epidemiya. Dagdag niya, batay sa mga propesyonal na patnubay ng World Health Organization, pinanatili ng Cuba ang normal na pakikipagpalagayan at pakikipagtulungan sa Tsina. Ito aniya ay nangangahulugan ng paggalang at pagsuporta sa mga gawain ng Tsina para sa pagpigil at pagkontrol sa epidemiya.

Sinabi rin ni Xi, na isinasagawa ng Tsina ang mga pinakakomprehensibo, pinakamahigpit at pinakakompletong hakbangin laban sa epidemiya, at ginagawa rin ang pinakamalaking pagsisikap para maiwasan ang pagkalat ng sakit sa daigdig. May kompiyansa, kakayahan, at katiyakan ang Tsina para manalo sa pakikibaka sa epidemiya, diin ni Xi.

Ipinahayag naman ni Diaz-Canel ang papuri at pagsuporta sa pagsisikap ng Tsina laban sa epidemiya ng COVID-19. Aniya, ang mga positibong resultang natatamo ng Tsina laban sa epidemiya ay nagpapakita ng malakas na kakayahan sa mobilisasyon at mahusay na kalamangan ng sistemang sosyalista. Dagdag ni Diaz-Canel, ang napapanahon at mabisang pagharap ng Tsina sa epidemiya ay nagbigay-ambag sa pagkontrol sa pagkalat nito.

Salin: Liu Kai

Please select the login method