Nursultan, Kazakhstan—Nakipagtagpo nitong Martes, Marso 3, 2020 si Pangulong Kassym-Jomart Tokayev ng Kazakhstan kay Yang Jiechi, Direktor ng Tanggapan ng Foreign Affairs Commission ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC).
Ani Yang, noong isang taon, magkasamang ipinatalastas nina Pangulong Tokayev at Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang pagtatatag ng pangmatalagang komprehensibo't estratehikong partnership ng Tsina at Kazakhstan. Nakahanda aniya ang panig Tsino na magsikap, kasama ng panig Kazakhstani, upang komprehensibong ipatupad ang mga komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa, patibayin ang pagtitiwalaang pulitikal, palakasin ang pagtutulungan at estratehikong koordinasyon, at magkasamang harapin ang mga panganib at hamong panseguridad ng rehiyon.
Pinasalamatan din ni Yang ang ibinigay na suporta at tulong ng panig Kazakhstani sa pagpuksa ng Tsina sa epidemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).
Saad naman ni Tokayev, buong tatag na pauunlarin ng kanyang bansa ang pangmatagalang komprehensibo't estratehikong partnership ng dalawang bansa. Nananalig aniya siyang tiyak na pagtatagumpayan ng Tsina ang epidemiya ng COVID-19.
Salin: Vera