Natuklasan ng mga siyentista mula sa Britanya at Alemanya ang 3 variants ng COVID-19 virus.
Ayon resulta ng pananaliksik sa pinanggalingan ng COVID-19 virus at pagkalat nito sa daigdig na inilabas kamakalawa, Huwebes, ika-9 ng Abril 2020. Ginawa ang pananaliksik batay sa 160 genome na kinuha sa iba't ibang lugar ng daigdig mula noong Disyembre 24, 2019 hanggang Marso 4, 2020.
Ang unang uri na "Type A" ay pinaniniwalaang original strain ng virus, na pinakamalapit sa virus na natuklasan sa mga pangolin at paniki. Sa 33 may-sakit ng uring ito sa pananaliksik, 18 ang galing sa Tsina at mga nakapaligid na bansa, at ang nalalabi naman ay mula sa Amerika at Australya.
Ang "Type B" ay mutation ng "Type A." Karamihan sa mga may-sakit sa Silangang Asya ay nahawa sa uring ito ng virus.
Pagkatapos, ang "Type B" ay nagbago at naging "Type C," na natuklasan, pangunahin na, sa mga may-sakit sa Europa.
Ipinalalagay din ng mga siyentista, na ang unang pagkahawa ng COVID-19 virus sa mga tao ay naganap sa pagitan ng kalagitnaan ng Setyembre hanggang unang dako ng Disyembre ng 2019.
Ang nabanggit na pananaliksik ay ginawa ng mga siyentista ng University of Cambridge ng Britanya, University of Kiel ng Alemanya, German Institute of Forensic Genetics at Fluxus Technology and Lakeside Healthcare sa Britanya. Ang ulat naman ay inilabas sa Proceedings of the National Academy of Sciences.
Salin: Liu Kai