Nagpadala ng mensahe sa isa't isa, kahapon, Lunes, ika-13 ng Abril 2020, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Joko Widodo ng Indonesya, bilang pagbati sa ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng dalawang bansa ng relasyong diplomatiko.
Sinabi ni Xi, na mahaba ang kasaysayan ng pagpapalagayan ng Tsina at Indonesya, at malaki ang pag-unlad ng bilateral na relasyon sapul nang itatag ang relasyong diplomatiko.
Dagdag niya, nitong ilang taong nakalipas, tumataas ang katayuan ng relasyon ng Tsina at Indonesya, lumalawak ang mga larangan ng kooperasyon, dumarami ang bunga sa kooperasyon sa balangkas ng Belt and Road Initiative, at humihigpit ang koordinasyon sa mga suliraning panrehiyon at pandaigdig. Ito aniya ay nagdulot ng kabiyayaan sa mga mamamayan ng kapwa bansa, at nagbigay ng ambag sa kasaganaan at katatagan ng rehiyon at mundo.
Binigyang-diin din ni Xi, na malawak ang komong interes ng Tsina at Indonesya sa mga bilateral, rehiyonal, at multilateral na aspekto, at malaki ang potensyal ng kanilang kooperasyon. Nakahanda aniya siyang, magsikap, kasama ni Widodo, para magdulot ng bagong sigla sa komprehensibo at estratehikong partnership ng dalawang bansa.
Sinabi naman ni Widodo, na may bigkis ng kasaysayan at kultura ang Indonesya at Tsina, at mahigpit ang pagpapalagayan ng kanilang mga lider at iba't ibang sirkulo ng lipunan. Kapansin-pansing resulta aniya ang pagkakaroon ng dalawang bansa ng mabungang relasyon nitong 70 taong nakalipas.
Dagdag ni Widodo, sa balangkas ng komprehensibo at estratehikong partnership at batay sa diwa ng kooperasyon, patuloy na pasusulungin ng Indonesya at Tsina ang kaunlaran at kasaganaan, at ibibigay ang ambag sa kapayapaan, katatagan, at kasaganaan ng rehiyon at daigdig.
Salin: Liu Kai