Sa post ng White House sa social media nitong Sabado, Mayo 9, 2020, sinabi nitong "noong Mayo 8, 1945, natalo ng Amerika at Britanya ang Nazi Germany. Palagiang magtatagumpay ang diwa ng Amerika sa bandang huli. Iyan ang mangyayari."
Kaugnay nito, sinabi ni Maria Zakharova, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Rusya, na inilabas kamakailan ng Amerika at Rusya ang magkasanib na pahayag bilang paggunita sa ika-75 anibersaryo ng pagtitipun-tipon ng mga tropa ng Amerika at Unyong Sobyet sa Ilog Elbe ng Alemanya.
Ipinagdiinan aniya sa pahayag na sa digmaan ng paglilipol sa Nazi Germany, napakalaking sakripisyo ang ginawa ng maraming bansa't nasyon.
Aniya, ang nasabing post ng White House ay mistulang nagpapabulaan sa nilalaman ng magkasanib na pahayag ng Rusya at Amerika.
Saad ni Zakharova, ang diwa ng Ilog Elbe ay ipinagdiinan sa nasabing magkasanib na pahayag, pero sa post ng White House, ang binanggit lamang ay kontribusyon ng Amerika.
Sa magkasanib na pahayag, binigyang-halaga rin aniya ang pagtatakwil ng maraming bansa sa alitan, at pagbubuklud-buklod para sa paglaban sa Nazi Germany, pero sa post ng White House, sinadyang alisin ang ibang nagtagumpay na bansa, liban sa Amerika at Britanya.
Salin: Vera