Sa kanyang pakikipag-usap sa telepono nitong Miyerkules ng gabi, Mayo 13, 2020 kay Gotabhaya Rajapaksa, Pangulo ng Sri Lanka, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na noong nasa masusing panahon ang pakikibaka ng Tsina laban sa Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), ipinagkaloob ng iba't-ibang sirkulo ng lipunan ng Sri Lanka ang positibong pagkatig sa Tsina.
Aniya, nakahanda ang panig Tsino na patuloy na magkaloob ng matatag na pagkatig at tulong hangga't makakaya, ayon sa pangangailangan ng Sri Lanka. Nananalig din ang Pangulong Tsino na tiyak na mapagtatagumpayan ng mga mamamayan ng Sri Lanka ang epidemiya sa pinakamadaling panahon.
Sa paunang kondisyon ng paggarantiya sa pagpigil at pagkontrol sa epidemiya, dapat unti-unting panumbalikin ng dalawang bansa ang pragmatikong kooperasyon sa iba't-ibang larangan, dagdag pa niya.
Ipinahayag naman ni Gotabhaya na sa ilalim ng matatag na pamumuno ni Pangulong Xi, natamo ng Tsina ang kapansin-pansing bunga sa pakikibaka laban sa COVID-19, bagay na nagpapakita ng kahanga-hangang katalinuhan at lakas ng mga mamamayang Tsino.
Nakahanda aniya ang Sri Lanka na palakasin ang pakikipagpalitan at pakikipagtulungan sa Tsina sa mga larangang gaya ng kabuhayan at kalakalan, turismo, at imprastruktura.
Kasama ng Tsina, magsisikap ang Sri Lanka, upang mapasulong ang pagtatatag ng Komunidad ng Pinagbabahaginang Kapalaran ng Buong Sangkatauhan, dagdag niya.
Salin: Lito