Nag-usap kahapon, Biyernes, ika-5 ng Hunyo 2020, sa telepono sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Emmanuel Macron ng Pransya.
Sinabi ni Xi, na sapul nang maganap ang COVID-19 pandemic, pinananatili ng Tsina at Pransya ang estratehikong koordinasyon sa mataas na antas. Dapat aniya patuloy na suportahan ng dalawang bansa ang pandaigdig na kooperasyon laban sa pandemiya, at palakasin ang pagkatig sa World Health Organization.
Binigyang-diin ni Xi, na kailangang gawin ng Tsina at Pransya ang plano para sa pagpapalagayan sa iba't ibang antas pagkaraan ng pandemiya, at palakasin ang koordinasyon sa mga macro-policy o pangmalawakang patakaran para ibangon ang kabuhayan.
Tinukoy din ni Xi, na nakahanda ang Tsina, kasama ng Unyong Europeo, na palakasin ang kooperasyon, bilang pagkatig sa multilateralismo at pagharap sa mga pandaigdig na hamon.
Sinabi naman ni Macron, na batay sa diwa ng pagkakaisa, patuloy na makikipagtulungan ang Pransya sa Tsina para sa paglaban sa COVID-19.
Umaasa aniya siyang pananatilihin ng mga departamento ng dalawang bansa ang pagpapalitan at pag-uugnayan, para pasulungin ang mga mahalagang proyektong pangkooperasyon, at panumbalikin ang negosyo at produksyon ng mga kompanyang Pranses sa Tsina.
Nakahanda rin ang Pransya, na gumanap ng positibong papel para sa pagpapalagayan ng Unyong Europeo at Tsina, dagdag ni Macron.
Salin: Liu Kai