Quarantine cooking. Naging matunog ang mga salitang ito sa panahon ng COVID-19 pandemic. Madaming mga cooking rookies ang nagkalakas loob. At ang mga kitchen masters naman ay lalong nagpakitang gilas. Laman ng social media ang samu't saring culinary adventures ng mga netizens. Kilalanin natin ang ilan sa kanila.
Scholar sa Tianjin, munisipalidad sa dakong hilaga ng Tsina, si Justine Orduna. Nagtapos nitong Hulyo si Justine sa Nankai University at matagumpay na nakuha ang Masters degree sa International Affairs and Public Policy. Ang nakagawiang bakasyon tuwing Chinese New Year noong Enero ay nauwi sa lockdown ng eskwelahan. Sa panahon ng community quarantine, pagbabalik tanaw ni Justine, "Ang pagluluto mentally, it's a distraction. Sobrang naaliw ako, 'di ko napapansin ung oras, araw o 'yung realidad na malayo ako sa Pilipinas at 'di ako makabisita sa mga kaibigan ko. I feel empowered! Kasi honestly walang naniniwalang matututo akong magluto or magiging 'domesticated' ako. Pero maliban kasi sa nakakalibang, wala akong ibang magagawa kundi ipagluto 'yung sarili ko kasi nga walang mabilhan ng makakain."
Sa panahon ng quarantine, pinakamahirap na lutuin sa dorm ni Justine Orduna ang ulam na isda. Nakuha niya ang tamang timpla matapos ang 3 beses na pagsubok.
Homebody si Sharon Dy-Fajardo. Mahilig talagang magbutingting sa kusina sa kanyang libreng oras. Nagtatrabaho si Sharon sa Western Academy of Beijing. Gaya ng marami sa Tsina, Pilipinas at ibang panig ng mundo, nagkaroon siya ng maraming oras sa panahon ng community quarantine.
"Emotionally, cooking helped me so much in dealing with this change in routine. I was excited to cook and bake without thinking of the time. It made me think and feel less of what was going on at that time. I think it was my way of coping with the fear of the unknown. So basically, I channeled all my thoughts and energies to doing something worthwhile though worries, concerns, depression did creep in from time to time."
Ayon sa World Health Organization ang takot, pag-aalala at stress ay normal na reaksyon sa mga pagkakataong katulad ng COVID-19 pandemic. Sa gitna ng takot na mahawa, mga pagbabago na dulot ng restriksyon sa nakagawiang pamumuhay, kawalan ng trabaho, kawalan ng physical contact sa kapamilya, kaibigan o mga katrabaho, importanteng pangalagaan ang pangangatawan maging ang kalusugan ng isipan.
March 16 nang ipatupad sa Metro Manila ang Enhanced Community Quarantine. Habang naka-work from home mode sa loob ng tatlo at kalahating buwan, cook from home din ang naging diskarte ni Architect Tecson Uy.
Ani Uy, "Ok maging foodie, mas OK pag foodie ka na marunong ka rin magluto, para alam mo kung paano gawin minsan yung mga nakakain 'nyo sa labas. Iwas ka rin sa panganib na mahawa pag niluto 'nyo yung gusto ninyong kainin pag nasa bahay. Minsan din habang nag-improve na yung cooking skills parang gusto mo na rin mag-imbento ng sariling mga food."
Dahil sa COVID-19 pandemic, itinigil ang karamihan sa mga nakagawiang libangan. Di muna pwedeng manood ng sine, magpunta sa concerts o kaya sa mga exhibitions o sporting events. Apektado talaga ang social life ng mga tao. Malaki ang naging papel ng social media at online platforms sa tinatawag na new normal. At para kina Sharon, Tecson at Justine nagkaroon din ng silbi ang kani-kanilang mga accounts sa social media.
Ayon kay Sharon, "Ang mga pinadadalhan ko lang naman ng photos ng mga ginawa ko eh karaniwan mga kaibigan lang at iyong Kusina ni Kabayan WeChat group (na may 500 miyembro at) binubuo ng mga mahilig sa pagkain. Actually, nakikita ko o nauunawaan ko kung bakit ang iba ay mahilig mag-share ng kanilang mga niluto sa social media. Uplifting kasi siya. Parang magandang karanasan na maibahagi sa iba para malaman ng ibang tao na pwedeng magluto kahit sino as long as you have the desire to cook and learn. I somehow got to see that I can do the complicated dish and it made me glow or jumped with joy kasi nagawa ko. At kung may mag-comment na positive I take it as a success na, 'Yes, I can.' Kung di naman gaanong maganda ang feedback, I take it as that needs improving at pasasaan ba magiging maayos ang resulta kalaunan. May mga pagkakataon din na dahil sa posting eh may nag-order ng ilan sa mga niluto ko. I believe I can do better given the time and think of ways of making it great for I envision myself doing something similar in the near future."
Ilan sa mga niluto ni Sharon sa panahon ng quarantine
Ang WeChat Moments naman ni Tecson ay napuno ng mga larawan ng masasarap na pagkaing kanyang niluto. Sabi niya, "Sa totoo lang naging parang diary kong pansarili 'yung WeChat Moments. Pinost ko rin ito kasi gusto ko rin tandaan yung mga steps na ginawa ko since makakalimutin na ako. At kung sakali may mga friends na gustong matuto, eh di na rin ako kailangan mag-explain ng marami."
Ayon kay Tecson Uy, pinaka-proud siya sa kanyang Tomatoes with Egg dahil medyo binago nya ang paraan ng pagluluto. At pinaka-challenging naman ang mga recipe na may gata at creme dahil mahirap timplahin.
Naging plataporma ni Justine, para i-flex ang pagiging "domesticated," ang Twitter, Instagram at Messenger Story. Sinimulan niya habang naka-quarantine ang sariling "Rice Cooker Diaries." Masaya niyang ibinahagi, "Natutuwa akong natutuwa sila sa akin. Lalo na 'yung mga dati kong kaopisina kasi ginagaya o tinatapatan nila 'yung posts ko. Tina-tag nila ako sa versions nila ng "Rice Cooker Diaries". Maraming reach talaga. Sa Twitter ginawa ko nang thread na ina-update ko araw-araw. Maraming nagre-reply at nagla-like. Sa IG, ayun nga, may mga gumagaya ay nagre-react. Nakakatuwa."
Matagal-tagal pa ang laban kontra sa novel coronavirus. Malayo-layo pa bago muling bumalik sa normal ang mga bagay-bagay. Payo ng United Nations sa lahat upang mapangalagaan ang mental health: makipag-ugnayan sa kapwa tao, gawin ang mga bagay na nagpapasaya sa sarili at maging mapanuri sa impormasyon.
Samantala nag-iwan din ang mga foodies ng ilang paalala kung bakit nakakatulong ang quarantine cooking. Payo ni Teacher Sharon, "During this time of pandemic, I believe preparing your own food will enhance your skills, you can lessen the expense as compared to dining out or ordering in. Aside from this, you get the idea that what you prepared is healthy and good for you."
Mula naman kay Architect Tecson, "Nagkakaroon ka ng self-confidence sa paggagawa at pag-i-improve ng pagluluto, emotionally masaya kasi mayroon akong natutunan kahit papaano sa panahon ng quarantine."
Ang millennial namang si Justine ay nag-uudyok, "Keep cooking! Now is the time! And turn it to something profitable too. Online selling."
Isinulat ni Mac Ramos