Sa pamamagitan ng video link, nag-usap nitong Martes, Hulyo 14, 2020 sina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Teodoro Locsin, Kalihim ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas.
Kapuwa ipinahayag ng dalawang kalihim ang pagpapahalaga sa mahigit sanlibong taong pagkakaibigang Sino-Pilipino. Kinikilala rin nila ang pagdadamayan ng dalawang bansa sa gitna ng pandemiya ng COVID-19. Handa anila ang magkapitbansa na pahigpitin ang kooperasyon sa pananaliksik ng bakuna, at pabilisin ang pagpapatupad ng mga mga kooperatibong proyekto, tungo sa magkasamang pagbangon.
Nagkasundo ang dalawang opisyal na patuloy na lulutasin ang pagkakaiba sa isyung pandagat sa pamamagitan ng diyalogo.
Pagpapahalaga ng tradisyonal na pagkakaibigan, bungang pangkooperasyon sa iba't ibang larangan
Ang kasalukuyang taon ay ika-45 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina't Pilipinas. Nagbabalitan sa telepono kamakailan sina Pangulong Xi Jinping at Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa ngalan ng Pilipinas, muling hatid ni Kalihim Locsin ang pagbati sa makabuluhang okasyong ito. Nakahanda aniya ang panig Pilipino na palalimin ang pakikipagkaibigan at pakikipagtulungan sa panig Tsino, at magkasamang isulong ang kanilang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan sa iba't-ibang larangan.
Ipinaabot din ni Locsin ang pakikiramay sa mga mamamayang Tsino na nasasalanta ng baha sa katimugan ng bansa. Nananalig aniya siyang tulad ng dati, tiyak na mapagtatagumpayan ng dakilang Tsina ang lahat ng kinakaharap na hamon.
Sinabi naman ni Wang na ang Tsina at Pilipinas ay mapagkaibigang magkapitbansa, at may mahigit isang libong taong kasaysayan ng pagpapalitan ang dalawang bansa at kanilang mga mamamayan. Salamat sa mga nagawang desisyong pulitikal ni Pangulong Duterte sapul nang kanyang pag-upo sa poder, nagbago ang paninindigang komprontasyonal na umiral ilang taon na ang nakararaan. Nagkasundo aniya ang mga lider ng dalawang bansa sa pagsasaisang-tabi ng hidwaan sa dagat, pagkontrol sa situwasyon sa pamamagitan ng bilateral na pagsasanggunian, at pagpapalakas ng diyalogo at kooperasyon. Bunga nito, umuunlad ang relasyong Sino-Pilipino, at mabilis na sumusulong ang kooperasyon ng dalawang bansa sa iba't-ibang larangan. Ani Wang, dapat pahalagahan at mahalin ng dalawang bansa ang di-madaling nakuhang mapagkaibigang kalagayan, at dapat ding patibayin ang pundasyong pulitikal ng pagbuti ng bilateral na relasyon at pangalagaan ang mahalagang bungang dala ng kooperasyong Sino-Pilipino.
Ani Wang, sa nabanggit na pag-uusap, nagkaroon sina Xi at Duterte ng mahalagang pagkakasundo hinggil sa direksyon ng pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa. Dapat aniyang komprehensibong tupdin ang narating na komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa, palalimin ang pagtitiwalaan at alisin ang hadlang para walang humpay na mapasulong ang relasyong Sino-Pilipino.
Pagdadamayan at magkasamang pagbabangon sa gitna ng pandemiya ng COVID-19
Kinikilala ng dalawang kalihim ang pagtutulungang Sino-Pilipno sa pagpigil at pagkontrol COVID-19 pandemic.
Nakahanda anila ang dalawang bansa na patuloy na isulong ang ugnayan ng "Belt and Road Initiative" ng Tsina at "Build, Build, Build" Project ng Pilipinas, at pabilisin ang pagpapatupad ng mga kaukulang proyektong pangkooperasyon.
Pinasasalamatan ani Locsin ng Pilipinas ang ipinadalang grupong medikal ng Tsina at ibinibigay na suportang materiyal sa Pilipinas. Nakahanda itong aktibong makipagkooperasyon sa Tsina sa pagdebelop ng bakuna. Diin niya, hindi sinasang-ayunan ng panig Pilipino ang paninira ng ilang bansa sa Tsina sa pangangatwiran ng epidemiya. Ito aniya ay hindi patas at hindi makatwiran.
Ipinahayag naman ni Wang na ang pagtutulungan sa isa't-isa ng mga mamamayang Tsino at Pilipino laban sa hamong dulot ng COVID-19, ay nagpapakita ng pagiging magkapatid. Nakahanda aniya ang panig Tsino na patuloy na ibahagi ang karanasan ng pakikibaka laban sa epidemiya sa panig Pilipino, at ipagkaloob hangga't makakaya ang pagkatig.
Sang-ayon din sina Wang at Locsin, na pasusulungin ang kooperasyon ng dalawang bansa sa pagdebelop ng bakuna laban sa COVID-19, pabibilisin ang pagtatatag ng "mabilis at maginhawang tsanel" ng pagpapalitan ng mga tauhan, at itatayo ang "berdeng tsanel" ng lohistiko, para mabigyang-tulong ang pagpapanumbalik ng produksyon at trabaho, at maigarantiya ang katatagan ng industrial at supply chains.
Maayos na paglutas sa pagkakaibang pandagat
Napagkasunduan nina Wang at Locsin na patuloy na lulutasin ang pagkakaiba sa isyu ng South China Sea (SCS) sa mapayapang pamamaraan.
Ipinalalagay ani Locsin ng panig Pilipino na hindi pangkalahatan ang hidwaang pandagat sa relasyong Pilipino-Sino, at hindi dapat ito makaapekto sa pagkakaibigang Pilipino-Sino.
Nakahanda ang Pilipinas na patuloy na magsikap para maayos na malutas ang alitang pandagat sa pamamagitan ng bilateral at mapagkaibigang pagsasanggunian, aktibong pasulungin ang kooperasyong pandagat ng dalawang bansa para magkasamang mapangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa SCS, diin pa niya.
Tinukoy naman ni Wang sa ilalim ng magkakasamang pagsisikap ng Tsina at mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), nananatiling matatag sa kabuuan ang situwasyon sa karagatang ito.
Pangako ni Wang, patuloy na magsisikap ang panig Tsino, kasama ng mga kaukulang bansang kinabibilangan ng panig Pilipino, para lutasin ang isyung pandagat sa pamamagitan ng diyalogo at pagsasangunian.
Ani Wang, sa pundasyon ng pagpapatupad ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC), magkakaroon ng Code of Conduct in the South China Sea (COC) sa pinakamadaling panahon upang magkakasamang mapangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa SCS. Ipinagdiinan ni Wang kay Locsin na sa paghawak sa isyung pandagat, dapat magkakasamang sumulong ang mga sangkot na bansa sa halip ng pagbabalik sa dating masalimuot na panahon.
Binatikos din ni Wang ang Amerika sa paghahasik ng kaguluhan sa karagatan.
Ani Wang dahil sa geopolitical needs ng Amerika, lagi itong nagbabanta sa matatag na situwasyon sa SCS, at walang tigil nitong ginugulo ang karagatang ito. Bukod dito, ipinapadala rin ng Amerika ang pinakamodernong eroplano at barko sa SCS para isulong ang militarisasyon sa karagatang ito.
Diin ni Wang, kailangang masusing bantayan ng mga bansa sa rehiyong ito ang nasabing mapanganib na galaw. Kamakailan, ipinalabas ng panig Amerikano ang umano'y pahayag kung saan lantarang lumalabag sa pangako nitong walang papanigan sa isyu ng SCS, nagtatangka itong likhain ang di-pagkakaunawaan at sagupaan sa pagitan ng Tsina at mga bansang ASEAN, at sirain ang katatagang panrehiyon. Ang nasabing pabagu-bagong kilos ay nakakapinsala lamang sa sariling imahe at kredibilidad ng Amerika, sabi ni Wang.
Salin: Lito
Pulido: Mac / Jade