Beijing - Ang Pilipinas at Tsina ay dalawa sa mga bansa sa Asya na taunang tumatanggap ng malaking bolyum ng tubig dahil sa pag-ulan.
Noong nagdaang Mayo ng taong ito, sinalanta ng bagyong Ambo (internasyonal na pangalan: Vongfong) ang lalawigan ng Samar.
Dala nito ang malakas na ulan at hanging may lakas na 115mph, na sinlakas ng kategorya 3 na ipu-ipo.
Kaya naman, kahit nasa ilalim ng lockdown na sanhi ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), iminobilisa ng Pilipinas ang sandatahang-lakas upang ilikas ang daan-daang mamamayang nakatira malapit sa dalampasigan.
Ayon kay Danny Lee, dating Director ng Community Affairs Development, Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), "bawat bagyo na kadalalasang nabubuo sa Pasipiko ay tumatama sa Pilipinas, at pagkatapos, dumidiretso sa Vietnam at katimugan ng Tsina."
Sa kabilang dako, kasabay ng pagpasok ng buwan ng Hunyo, dumating na rin sa Tsina ang panahon ng tag-ulan at baha.
Dahil dito, tumaas ang tubig sa ilang lugar sa gawing timog at silangan ng Tsina.
Sa pag-uusap sa pamamagitan ng video link, nitong Martes, Hulyo 14, 2020 nina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Teodoro Locsin Jr., Kalihim ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas, ipinahayag ni Locsin ang pakikiramay sa mga mamamayang Tsino na kasalukuyang sinasalanta ng baha.
Malakas ani Locsin ang kanyang pananalig na mapagtatagumpayan ng dakilang nasyong Tsino ang lahat na kinakaharap na hamon.
Dagdag niya, nakahanda ang panig Pilipino na palalimin ang pakikipagkaibigan at pakikipagtulungan sa panig Tsino, at magkasamang isulong ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan sa iba't-ibang larangan.
Sinabi naman ni Wang na ang Tsina at Pilipinas ay mapagkaibigang magkapitbansa, at may mahigit isang libong taong kasaysayan ng pagpapalitan at pagkakaibigan.
Dapat aniyang pahalagahan at mahalin ng dalawang bansa ang mapagkaibigang kalagayang di-madaling nakamtan, patibayin ang pundasyong pulitikal tungo sa lalo pang pagbuti ng bilateral na relasyon at pangalagaan ang mahalagang bungang dala ng kooperasyong Sino-Pilipino.
Programa ng Tsina at Pilipinas laban sa baha
Dahil sa mga taunang pagbaha, itinaguyod ng Tsina noong nakaraang taon ang 2019 China-ASEAN High-level Forum on Disaster Reduction and Emergency Management, upang maisulong ang internasyonal na kooperasyon sa larangan ng pag-iwas at reduksyon ng sakuna sa ilalim ng Belt and Road Initiative sa lunsod Nanning, Guangxi Zhuang Autonomous Region.
Sa presentasyon ni Yanping Shi, Deputy Director General ng Department of International Cooperation and Rescue ng Ministri ng Emergency Management ng Tsina, ipinaliwanag niya ang 5-Year National Plan on Disaster Reduction and Prevention ng bansa, na may mahalagang papel sa pagkokoordina ng 32 ahensiya sa mga gawaing may kaugnayan sa pag-iwas sa natural na kapahamkan, pagpapaliit ng panganib at pagpapalakas ng responde sa panganib.
Ayon sa kanya, ang mekanismo ng pagresponde ng bansa sa kapahamakan ay nakapokus sa 3 larangan; (1) mula pagsaklolo tungo sa pag-iwas sa sakuna; (2) mula sa pag-iwas sa sakuna tungo sa pagpapaliit ng panganib ng sakuna; at (3) mula sa pagpapaliit ng panganib ng sakuna tungo sa pagpapaliit ng tsansang maganap ang sakuna.
Kaugnay ng planong nabanggit, malaki ang inilagak na pondo ng Tsina sa mga proyekto ng water conservation at malawakang pina-igi ang mekanismo ng responde sa mga natural na sakuna.
Sa kabila ng di-maiiwasang pagbaha na dala ng malakas na pag-ulan, ang Tsina ngayon ay mas handa sa pagharap ng baha at mga sakuna kumpara noong mga nakaraang panahon.
Sa kabuuang 172 proyekto ng pagkontrol sa baha, 146 sa mga ito ay malapit nang matapos.
Dagdag pa riyan, 150 proyektong nagkakahalaga ng halos 1.3 trilyong Yuan Renminbi ($184 billion) ay nakaplanong umpisahan sa taong 2020.
Kumpara noong 5 taong nakalipas, napaliit ng Tsina sa kalahati, ang mga kasuwalti sa mga natural na sakuna.
Samantala, sa bahagi naman ng Pilipinas, ibinahagi ni Paul Gilbert Valderrama ng Philippines Red Cross ang programang base sa naka-forecast na pinansiya.
Dahil dito, nagkakaroon ng akses ang mga may-kinalamang ahensiya sa humanitarian funding kaugnay ng mga inaasahang sakuna, at pag-iwas sa mga ito.
Aniya, sa usapin ng mga bagyo, may 4 na ibat-ibang scenario na naidebelop sa panahon ng monsoon na maaaring maka-apekto sa 19 na lalawigan.
Ang priyoritisasyon ng mga panganib ay kinabibilangan ng: pagkawala ng buhay, pagkawala ng kita ng mga magsasaka at mangingisda, at pagkasira ng mga kabahayan.
Ang mga ito aniya ay nasosolusyunan sa pamamagitan ng Shelter Strengthening Kit (SSK) simulation, maagang pag-ani ng pananim, at paglilikas ng mga alagang hayop.
Pagpapauna ng buhay ng mga mamamayan: pakikibaka sa baha sa katimugang Tsina
Sapul noong nagdaang Hunyo, 141 katao ang nasawi o nawala dahil sa baha.
Kasabay nito, halos 38 milyong Tsino ang apektado sa buong bansa.
Kaugnay nito, ipinanawagan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang puspusang pagpupursige sa mga operasyong panaklolo, at siguruhing bibigyang priyoridad ang buhay at kaligtasan ng mga mamamayan.
Ang Tsina ay may apat na lebel ng responde sa baha: level IV ang pinakamababa at level I naman ang pinakamataas.
Sa nasyonal na antas, itinaas Hulyo 12, 2020 ng Pangkalahatang Kuwartel Laban sa Baha at Tagtuyot ng Tsina ang emergency response ng mula level III sa level II.
Mahigpit din nitong ipinatalastas sa mga kaukulang rehiyon at lalawigan, na seryosong subaybayan ang pagbabago sa situwasyon ng pagtaaas ng tubig, at napapanahong i-akma ang lebel ng emergency response sa lokal na kalagayan.
Dagdag pa riyan, ipinadala rin ng nasabing tanggapan at Ministri ng Emergency Management ang mga working group at grupo ng mga dalubhasa sa mga apektadong lugar na gaya ng lalawigang Jiangxi, para patnubayan ang responde laban sa baha at relief works.
Animnaraang (600) milyong Yuan Renminbi (nasa 85.7 milyong US Dolyar) ang inilaan ng Ministri ng Pinansiya at Ministri ng Emergency Management bilang tulong sa 5 lugar na kinabibilangan ng lalawigang Jiangxi, lalawigang Anhui, lalawigang Hubei, lalawigang Hunan, at munisipalidad ng Chongqing.
Source:
https://www.cnn.com/2020/05/14/weather/typhoon-vongfong-philippines-landfall-intl/index.html
http://eastasia.iclei.org/new/latest/447.html
https://www.cgtn.com/special/Latest-updates-Response-level-upgraded-as-heavy-rain-batters-China.html
https://news.cgtn.com/news/2020-07-14/What-has-changed-two-decades-after-the-1998-flood--S7KAh2mUta/index.html
https://news.cgtn.com/news/2020-07-12/Xi-Jinping-calls-for-all-out-efforts-in-flood-control-S4moZNI1he/index.html
Ulat: Rhio Zablan