Sa kanyang eksklusibong panayam kamakailan sa China Media Group (CMG), sinabi ni Stephan Wollenstein, CEO ng Volkswagen Group China, na balak ng kanyang kompanya na mamuhunan, kasama ng mga partner nito, ng mahigit 4 na bilyong Euro sa Tsina sa kasalukuyang taon.
Nitong nakalipas na ilang buwan, magkakasunod na pinabilis ng mga kompanyang dayuhan na gaya ng Qualcomm, Pepsi, JP Morgan, at Exxon Mobil ang alokasyon sa Tsina, at aktibong pinalawak ang pamilihang Tsino.
Subalit sa epekto ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), lumaki ng 8.4% kumpara sa gayun ding panahon ng tinalikdang taon ang puhunang dayuhan na aktuwal na ginamit ng Tsina noong ika-2 kuwarter ng taong ito. Nagpapakita itong ang Tsina ay nananatili pa ring mainit na destinasyon ng pamumuhunang pandaigdig, at pansamantala lamang ang epekto ng pandemiya.
Sa kasalukuyan, unti-unting nakakahulagpos ang Tsina sa epekto ng pandemiya, at matatag na bumabangon ang pangkalahatang kabuhayan. Noong ika-2 kuwarter, lumago ng 3.2% ang kabuhayang Tsino, at tuluy-tuloy na bumubuti ang mga pangunahing economic index na gaya ng produksyong industriyal at konsumo, bagay na nakakaakit ng pagpasok ng iba't ibang yaman sa pamilihang Tsino, at nakakapagpalakas ng kompiyansa sa pamumuhunan sa Tsina.
Para sa transnasyonal na pamumuhunan, kahit maapektuhan ito ng mga elemento sa maikling panahon na gaya ng pandemiya, pinag-uukulan nila ng mas maraming pokus ang kapaligiran ng pamilihan at prospek ng pangmalayuang pag-unlad ng destinasyon ng pamumuhunan.
May napakalaking pamilihan, buong industry chain, kompletong imprastruktura at nakararaming hay-tek na talent ang Tsina. Samantala, tuluy-tuloy na bumubuti ang kapaligirang pang-negosyo nito, at walang humpay na lumalawak ang pagbubukas. Ang lahat ng mga ito ay mahalagang dahilang nagpapatunay na ang Tsina ay nagsisilbing popular at pinipiling bansang pinamumuhunanan ng daigdig.
Salin: Vera