Sa isang panayam nitong Miyerkules, Agosto 5, 2020, ipinahayag ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na malaki ang nakukuhang pakinabang ng kapuwa Tsina at Amerika sa kooperasyong Sino-Amerikano.
Tinukoy ni Wang na ang mabilis na pag-unlad ng Tsina ay bunga ng pagbubukas at pakikipagtulungan sa iba't ibang bansa sa daigdig na kinabibilangan ng Amerika.
Samantala, ang walang humpay na pag-ahon ng Tsina ay nagkaloob ng napakalaking pamilihan at lakas panulak para sa tuluy-tuloy na paglaki ng ibang bansa na gaya ng Amerika.
Hinimok niya ang Amerika, na huwag ibaling sa iba ang sariling pananagutan, o resolbahin ang sariling mga problema, sa pamamagitan ng pagsisi sa di-umano ay "pagkalas sa Tsina."
Diin ni Wang, sa kasalukuyan, nararanasan ng kabuhayang pandaigdig ang malubhang epekto ng pandemiya, at bilang dalawang pinakamalaking ekonomiya sa daigdig, dapat igiit ng Tsina at Amerika ang pagkakapantay-pantay at mutuwal na kapakinabangan, at paunlarin ang relasyon ng dalawang bansa, sa pamamagitan ng kooperasyon, sa halip na paghihiwalay.
Salin: Vera