Kaugnay ng "Pahayag Tungkol sa Kahalagahan ng Paggarantiya sa Kapayapaan at Katatagan ng Timog Silangang Asya" na inilabas kamakailan ng mga Ministrong Panlabas ng iba't-ibang bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), sinabi nitong Martes, Agosto 11, 2020 ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina, na muling ipinakikita ng nasabing pahayag na ang paghahanap ng kapayapaan, kaunlaran at pagpapasulong ng kooperasyon ay komong mithiin at lubos na kahilingan ng Tsina at iba pang bansang kinabibilangan ng mga bansang ASEAN.
Sa araw ng paggunita sa ika-53 anibersaryo ng pagkakatatag ng ASEAN, inilabas ang nasabing pahayag kung saan ipinahayag ang matibay na paninindigan ng mga bansang ASEAN para harapin ang mga bagong hamon sa pamamagitan ng multilateral na kooperasyon.
Ipinahayag ni Zhao na bilang mahalagang dialogue partner at mapagkaibigang kapitbansa, buong tatag na sinusuportahan ng panig Tsino ang namumunong katayuan ng ASEAN sa kooperasyong panrehiyon.
Nakahanda aniya ang panig Tsino na palalimin ang pakikipagkooperasyon sa ASEAN at pabutihin ang rehiyonal na balangkas para mabisang harapin ang mga hamong panrehiyon at pandaigdig.
Salin: Lito