Ipinahayag Huwebes, ika-13 ng Agosto, 2020 sa Cavite ni Kalihim Ramon Lopez ng Department of Trade and Industry (DTI), na hindi ganoon kagrabe ang negatibong epekto ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) sa ekonomiya ng Pilipinas at optimistiko siya sa pagbangon ng kabuhayang Pilipino sa ika-3 kuwarter ng taong 2020.
Kumpara sa parehong panahon ng tinalikdang taon, bumaba ng 16.5% ang kabuhayang Pilipino noong ika-2 kuwarter ng 2020.
Kaugnay nito, sinabi ni Kalihim Lopez na isinasagawa ng pamahalaang Pilipino ang mga hakbangin ng pagpapasigla sa kabuhayan.
Kabilang sa mga hakbanging ito aniya ay: una, pagtulong sa mga bahay-kalakal, lalo na sa mga maliit na bahay-kalakal, para dagdagan ang pagkakataon sa hanap-buhay; ikalawa, paghikayat sa mga mamumuhunan na maglagak ng pondo sa mga proyekto ng imprastruktura at serbisyong pampubliko; at ikatlo, pagpapasulong ng kalakalang panlabas.
Bukod dito, sinabi niyang patuloy na isinasagawa ng Pilipinas ang mga kooperatibong proyekto kasama ang Tsina para pasulungin ang kabuhayan ng bansa.
Ang pamilihang Tsino ay napakahalaga para sa pagluluwas ng Pilipinas, at ang pamilihang Pilipinong may mahigit 100 milyong populasyon ay nagkakaloob din ng maraming pagkakataon para sa mga bahay-kalakal ng Tsina, dagdag ni Lopez.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio / Jade