Hinimok nitong Miyerkules, Agosto 19, 2020 ni Zhao Lijian, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang ilang politikong Amerikano na mataimtim na pakinggan ang pananawagan ng komunidad ng daigdig; pasulungin ang pagbalik ng relasyong Sino-Amerikano sa koordinado, kooperatibo't matatag na landas; at magkasamang pangalagaan ang kapayapaan, katatagan at kaunlaran ng daigdig.
Sinabi nitong Martes ni António Guterres, Pangkalahatang Kalihim ng United Nations (UN), na hindi naman ganoon kadispungsyonal ang kasalukuyang relasyong Sino-Amerikano.
Pero, nangangamba aniya siya sa patuloy na umiigting na realsyon ng dalawang bansa at posibleng pagkakawatak-watak ng daigdig sa dalawang grupo.
Ito ay magsisilbing napakalaking panganib para sa buong mundo, dagdag niya.
Kaugnay nito, tinukoy ni Zhao na ang grabeng problemang kinakaharap ng relasyong Sino-Amerikano ay sanhi ng unilateral na paglikha ng pamahalaang Amerikano ng mga alitan, at tikis na pagsasagawa ng serye ng mga aksyon at pananalitang nakikialam sa mga suliraning panloob ng Tsina, nakakapinsala sa kapakanan ng panig Tsino, at grabeng nakakasira sa relasyon ng dalawang bansa.
Hinihimok aniya ng panig Tsino ang ilang politikong Amerikano na itakwil ang lipas sa modang kaisipan ng Cold War, at obdyektibong pakitunguhan ang Tsina at relasyong Sino-Amerikano.
Salin: Vera