BIlang tugon sa pagpataw ng sangsyon ng Amerika laban sa mga kompanyang Tsino na kalahok sa konstruksyon ng isla at reef sa South China Sea, ipinahayag kamakailan ni Presidential Spokesperson Harry Roque, na ang Pilipinas ay isang soberanong bansa, at hindi ipagbabawal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pakikilahok ng mga kompanyang Tsino sa konstruksyon ng imprastruktura ng Pilipinas.
Kaugnay nito, ipinahayag nitong Miyerkules, Setyembre 2, 2020 ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang pangunahing tungkulin ng pamahalaang ni Pangulong Duterte ay pagpapabuti ng kabuhayan, at pangangalaga sa kapakanan at benepisyo ng mga mamamayang Pilipino.
Mula sa kapakanang pang-estado ng Pilipinas at paggigiit ng indipindiyenteng patakarang panlabas, ito ani Hua, ay angkop sa pundamental na interes ng bansang Pilipinas at mga mamamayan nito.
Hinahangaan ng Tsina ang hakbang na ito, aniya pa.
Dagdag pa ni Hua, nakahanda ang panig Tsino na patuloy na palalimin ang pragmatikong pakikipagkooperasyon sa panig Pilipino sa iba't-ibang larangan.
Salin: Lito