Ipinalabas Huwebes, Setyembre 10, 2020 ng Ministring Panlabas ng Tsina ang "Dokumento ng Posisyong Tsino Tungkol sa Ika-75 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng United Nations (UN)" kung saan inilahad ang paninindigan at posisyon ng panig Tsino sa mga isyung gaya ng papel ng UN, situwasyong pandaigdig, sustenableng pag-unlad, at kooperasyon sa paglaban sa pandemiya ng COVID-19.
Kaugnay nito, isinalaysay nang araw ring iyon ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ayon sa dokumentong ito, dapat samantalahin ng komunidad ng daigdig ang mahalagang pagkakataon ng paggunita sa ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng UN para magkakasamang mapangalagaan ang bunga ng tagumpay ng World Anti-Facist War, tutulan ang unilateralismo, hegemonya, at power politics, buong tatag na katigan ang multilateralismo, buong tatag na ipagtanggol ang layunin at prinsipyo ng "UN Charter," at mapangalagaan ang sistemang pandaigdig na ang UN ay nukleo at ang kaayusang pandaigdig na ang pundasyon ay pandaigdigang batas.
Nakahanda ang Tsina na magsikap kasama ng iba't-ibang bansa sa daigdig para magkakasamang maitatag ang Komunidad ng Pinagbabahaginang Kapalaran ng Sangkatauhan, diin pa ni Zhao.
Salin: Lito