Inilarawan ni Ana Abejuela, Philippine Agriculture Attache to China bilang vibrant o masigla ang kasalukuyang ugnayang bilateral sa kalakalang agrikultural ng Tsina at Pilipinas. Dahil dito aniya, masigla rin ang pagpasok ng dayuhang pamumuhunan sa nasabing sektor. At nais ng kanyang tanggapan na mas ipaalam sa mas maraming mga negosyante at investors ang potensyal ng Pilipinas. Ibinigay ng 2020 China International Fair for Investment and Trade (CIFIT) ang pagkakataong ito.
Ang pagpili sa Pilipinas bilang CIFIT Guest Country of Honor (GCH) sa loob ng dalawang magkasunod na taon ay nangangahulugang ang reach o maaabot ng impormasyon ay mas malawak kumpara sa pagiging ordinaryong kalahok sa CIFIT lamang, ani Abejuela. Bilang GCH nabigyang pansin ang lahat ng sektor ng Pilipinas kung saan mayroong oportunidad sa pamumuhunan, kabilang na rito ang agrikultura.
Dagdag ni Abejuela, binuksan ng 2020 CIFIT ang pinto para sa mga proyektong Pilipino. At umaasa siyang magbubunga ito ang aktuwal na pamumuhunan.
Sa booth ng Kagawaran ng Agrikultura, apat na proyekto ang itinanghal na kinabibilangan ng Abaca fiber production enhancement and processing, Expansion and modernization of banana chips processing and establishment of a jumbo Cardaba plantation, Cavendish Banana Farming (Plantation) at pagtatatag ng Biomass Plant (Renewable energy).
Ibinahagi ni Abejuela sa eksklusibong panayam ng China Media Group Filipino Service na mayroong substansiyal na interes ang mga Tsino at dayuhang dumalo sa 2020 CIFIT sa Biomass project, expressed interest sa machinery component para sa abaca project. Samantala may buying interest naman para sa banana chips na pang-export sa Tsina. Inaasahan ding magiging investor ang naturang buyer sa processing and production.
Sa loob ng apat na araw na pagdaros ng 2020 CIFIT, ginanap ang mga pulong sa pagitan ng Pilipinas at Tsina na gaya ng Round Table Meeting at 2nd China-Philippine Agricultural Investment Cooperation Forum.
Idinaos ang 2020 CIFIT mula Setyembre 8 hanggang 11, kasabay ng Belt and Road Investment Congress. Kalahok sa 2020 CIFIT ang mga delegado ng mga pamahalaan, samahan ng mga mangangalakal at negosyante mula sa 42 bansa at rehiyon. Ang naturang perya ay isa sa mga malakihang international economic and trade event na itinaguyod ng Tsina sa gitna ng pandemiya ng COVID-19.
Reporter: Mac Ramos
Web editor: Liu Kai