Ayon sa ulat kamakailan ng pahayagang Los Angeles Times ng Amerika, ipinakikita ng pinakahuling pag-aanalisa sa mga rekord na medikal ng mga ospital at klinik ng University of California, Los Angeles (UCLA) na posibleng lumitaw sa Los Angeles ang coronavirus noong Disyembre ng 2019, bago iulat ng Tsina sa World Health Organization (WHO) ang pagkakaroon ng kaso ng pneumonia na di-matukoy ang sanhi sa Wuhan.
Nauna rito, ang pinakamaagang kaso ng COVID-19 sa Amerika ay naitala noong kalagitnaan ng nagdaang Enero.
Inirekord ng mga mananaliksik ng UCLA at University of Washington ang kalagayan ng malinaw na pagtaas ng bilang ng mga pasyenteng pumunta sa ospital dahil sa ubo. Ang ganitong situwasyon ay nagsimula noong linggo ng Disyembre 22, 2019, at tumagal hanggang noong katapusan ng Pebrero.
Hindi isinagawa ng mga mananaliksik ang anumang diagnosis o pagsusuri, kaya di nila maaaring tasahin kung kailan lumitaw ang unang pasyenteng may COVID-19. Pero ayon sa artikulong inilabas nila sa magasing "Journal of Medical Internet Research," kung kumalat ang coronavirus bago o pagkaraan ng nagdaang Pasko nang hindi natutuklasan, ang modelo ng paghahanap ng mga pasyente na nagpagamot sa mga ospital o klinik ay magkahawig sa katotohanan.
Salin: Vera