Nitong ilang buwang nakalipas, dahil sa pagkiling na ideolohikal at presyur na dulot ng nalalapit na pambansang halalan, may iilang pulitikong Amerikano ang patuloy sa pagdungis sa mga patakaran ng Tsina sa Xinjiang at paghasik ng pagkakawatak sa pagitan ng iba’t ibang lahi sa Xinjiang.
Sa katatapos na pambansang symposium hinggil sa isyu ng Xinjiang, isinapubliko ng pamahalaang Tsino ang mga natamong bunga ng naturang rehiyong autonomo nitong anim na taong nakalipas, sa larangan ng kaunlarang pangkabuhayan, pamumuhay ng mga mamamayang lokal, pagpawi ng kahirapan, at suporta sa Xinjiang.
Ang katotohanan hinggil sa pag-unlad ng Xinjiang ay taliwas sa binaliktot ng iilang pulitikong Amerikano.
Ayon sa datos, mula 2014 hanggang 2019, umabot sa 7.2% ang taunang paglaki ng Gross Domestic Product (GDP). Mas mataas ito kumpara sa karaniwang lebel ng buong bansa.
Samantala, kapansin-pansing bumuti rin ang pamumuhay ng mga mamamayan. Ipinakikita ito ng 9.1% taunang pagtaas ng per capita disposable income.
Kasabay nito, sa mga 25 milyong polulasyon sa Xinjiang, bumaba sa 1.24% mula sa 19.4% ang poverty rate, at balak na iahon sa karalitaan ang lahat ng mga natitirang mahirap na mamamayan ng rehiyon sa taong 2020.
Malaki rin ang suportang pinansyal sa Xinjiang ng sentral at iba pang lokal na pamahalaang Tsino. Nitong anim na taong nakaraan, lumampas sa 2 trilyong yuan RMB ang ibinuhos na pondo ng sentral na pamahalaan sa Xinjiang. Samantala, umabot naman sa 96.4 na bilyong yuan RMB ang suportang pinansyal mula sa 19 na lalawigan at siyudad ng bansa.
Bunga ng maalwang pag-unlad at mga pinaiiral na patakaran, tatlong taong singkad na walang naganap na karahasan sa Xinjiang. Ang katatagan ay nagdudulot din ng kasaganaan. Gawin nating halimbawa ang turismo, pillar industry ng Xinjiang. Noong 2019, 213 milyong turista mula sa loob at labas ng Tsina ang tinanggap ng Xinjiang, at lumikha ito ng mahigit 363 bilyong yuan na kitang panturismo.
Samantala, ang pag-unlad ay nagsisilbi ring pundasyon para sa pangmatagalang katatagan ng Xinjiang. Sa kanyang talumpati sa kapipinid na pambansang symposium, sinabi ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na ang pag-unlad ng Xinjiang sa hinaharap ay nababatay sa bentaheng heograpikal nito, ibig sabihin, ang pagbubukas ng Xinjiang ay may kaugnayan sa pagbubukas sa labas ng Tsina. Bilang mahalagang punto ng landlocked Silk Road Economic Belt, mahigit 3,700 tren sa China-Europe Railway Express ang pinatakbo ng Xinjiang at umabot sa 80% ang taunang paglaki ng bilang ng mga tren. Kasabay nito, nagbukas din ng linyang panghimpapawid ang Xinjiang sa 17 bansang dayuhan, 25 siyudad na banyaga, at 88 lunsod na Tsino.
Gayunpaman, kaugnay ng pag-unlad ng Xinjiang, parang laging di pinapansin ito ng iilang pulitikong Amerikano. Ang pag-unlad ng Xinjiang at patakaran ng pamahalaang Tsino laban sa terorismo at pagkakawatak-watak ay umani ng pagkatig ng komunidad ng daigdig. Sa ika-45 Sesyon ng United Nations Human Rights Council noong Setyembre 25, maraming kinatawang dayuhan ang nagpahayag ng pagkatig sa Tsina sa isyu ng Xinjiang. Hinikayat din nila ang mga may kinalamang bansa na itigil ang pakikialam sa mga suliraning panloob ng Tsina.
Hanggang sa kasalukuyan, mahigit sanlibong kinatawan mula sa 91 bansa ang inanyayahang dumalaw sa Xinjiang. Kinilala nila ang karanasan ng Tsina sa kontra-terorismo at de-radikalisasyon sa Xinjiang.
Salin: Jade
Pulido: Mac