Pansamantalang nakahinga ng maluwang ang TikTok matapos ilabas ng isang huwes sa Washington ang preliminary injunction na pumipigil sa executive order (EO) ni Pangulong Donald Trump, na nag-u-utos sa mga app store ng Amerika na i-ban ang nasabing social media APP.
Inilabas Setyembre 27 ni Carl Nichols, Federal Judge sa Washington ang naturang kautusan, apat na oras bago alisin mula sa mga mobile app store ang TikTok, alinsunod sa atas ng Kagawaran ng Komersyo ng Amerika.
Gayunpaman, kabilang pa rin sa nasabing EO ni Trump ang iba pang restriksyon na naka-iskedyul na magkabisa sa darating na Nobyembre 12, kung saan, pagbabawalan ang mga kompanyang Amerikano na magkaloob ng Internet hosting at services para sa TikTok.
Ipinakikita nitong binibigyan lamang ng pansamantalang paghinga ang TikTok, at kailangan pa nitong hintayin kung ano ang magiging tadhana nito sa Amerika dahil sa “hawkish stance” ng pamahalaan ng Estados Unidos sa gitna ng nalalapit na pambansang halalan.
Bago ibinaba ang nasabing hatol hinggil sa TikTok, naunang inilabas ng federal judge sa Northern California na si Laurel Beeler ang atas na pansamantalang pumipigil sa EO ni Trump hinggil sa pagbabawal sa paggamit ng WeChat, kilalang APP na Tsino.
Ayon sa hatol ni Beeler, ang aksyon ni Trump ay lumalabag sa prinsipyo sa malayang pagsasalita.
Kaugnay naman ng kaso ng TikTok, sinabi ni Jugde Nichols na batay sa mga natamong katotohanan, unilateral ang executive order ni Trump at halos hindi nabigyan ng pagkakataong magsalita ang plaintiff.
Ipinahihiwatig ng kapuwa hatol na walang batayang pambatas ang EO ni Trump laban sa mga kompanyang Tsino.
Dagdag pa rito, ipinahayag kamakailan ng Central Intelligence Agency ng Amerika na walang katibayang nagpapakita, na kinuha ng pamahalaang Tsino ang mga impormasyon ng mga user ng TikTok, at ito ay taliwas sa akusasyon ng EO ni Trump.
Sa kanya namang panayam sa CNBC, sinabi naman ni Barry Diller, Tagapangulo ng Expedia at IAC, na dahil sa proteksyonismo, ang kaso ng TikTok ay naging isang kaguluhang pulitikal.
Samantala, sa pahayag ng NetChoice, trade association na kumakatawan sa mga kilalang social media platform na gaya ng Google, Amazon, at iba pa, ang EO ni Trump ay maaaring maging bagong dahilan para sa mga bansang dayuhan na ipagbawal ang pagpasok ng mga Amerikanong hay-tek na kompanya sa kanilang mga nasasakupan.
Sa likod ng kasunduang komersyal sa pagitan ng TikTok at mga kompanyang Amerikano, kitang-kita ang pagsisinungaling, proteksyonismo at hegemonismo ng ilang pulitikong Amerikano para sa sariling pulitikal na interes.
Salin: Jade
Pulido: Rhio