Ginanap nitong Huwebes, Oktubre 1, ang Pulong ng United Nations (UN) bilang Paggunita sa Ika-25 Anibersaryo ng Ika-4 na World Conference on Women (WCW).
Sa kanyang naka-video na talumpati, iniharap ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang apat na mungkahing kinabibilangan ng pagbibigay-tulong sa kababaihan para maka-ahon sa epektong dulot ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), totohanang pagpapa-iral ng pagkakapantay na pangkasarian, pagpapataas ng katayuan ng mga kababaihan, at pagpapahigpit ng pagdaigdigang pagtutulungan sa mga usaping pambabae.
Pagsaludo sa mga kababaihan
Sa ngalan ng Tsina, ipinahayag ni Pangulong Xi ang paghanga at pagpupugay sa mga kababaihang nasa unang hanay ng pakikibaka sa pandemiya ng COVID-19, na kinabibilangan ng mga babaeng manggagamot, nars, siyentista, manggagawang pangkomunidad, boluntaryo, at iba pang tauhan sa pagpigil at pagkontrol ng pandemiya.
Ibinahagi rin ni Xi ang kuwento ng isang babaeng nars.
Aniya, mga babae ang 2/3 ng mahigit 40,000 tauhang medikal na nagtungo sa Wuhan, Hubei, nang salantain ng COVID-19 ang siyudad, at isa sa mga ito ay nars na wala pang 20 anyos.
Isang araw, tinanong ng isang mamamahayag ang nasabing nars kung bakit gusto niyang tumulong sa iba, sa kabila ng kanyang murang edad. Sagot niya, hindi nakikita ang kanyang tunay na hitsura at edad sa likod ng suot niyang pamprotektang kasuotan. Hindi na siya bata.
Patuloy na pagpapasulong ng karapatan at interes ng mga kababaihan
Ani Xi, nitong 25 taong nakalipas sapul nang idaos ang Ika-4 na World Conference on Women sa Beijing, patuloy na tumitingkad ang papel ng mga kababaihan, sa ilalim ng diwa ng naturang komperensiya. Bunga nito, ang pagkakapantay na pangkasarian, at pangangalaga at pagpapalawak ng karapatan at interes ng mga kababaihan ay inilakip bilang mahalagang layunin sa UN 2030 Sustainable Development Agenda.
Sa gitna ng pandemiya, kailangang ibayo pang pagtuunan ng pansin ang pangangailangan ng mga kababaihan para buong higpit na isakatuparan ang mga nakasaad sa Beijing Declaration at Platform for Action, dalawang dokumentong pinagtibay ng Ika-4 na World Conference on Women, diin ng pangulong Tsino.
Para rito, iminungkahi ni Xi, na kailangang pangalagaan ang karapatan at interes ng mga kababaihan, at ang usaping ito ay dapat i-angat sa pambansang lebel.
Dagdag pa ni Xi, nararapat pahalagahan ang kalusugang piskal at mental, at kapaligiran ng pinagtatrabahuhan ng mga babaeng tauhang medikal na nasa unang hanay sa hamon ng COVID-19.
Kasabay nito, dapat ding magkaloob ng mas marami at bagong pagkakataon para sa mga kababaihan upang makilahok sa mga suliraning pampulitika, pangkabuhayan, pangkultura at panlipunan ng bansa, saad ni Xi.
Kuwento ng Tsina
Ibinahagi rin ng pangulong Tsino ang karanasan ng Tsina sa pangangalaga sa mga kababaihan.
Aniya, ang pagkakapatas ng kababaihan at kalalakihan ay pambansang patakaran ng Tsina.
Sa katunayan, naitatag sa Tsina ang komprehensibong sistema para mapangalagaan ang karapatan at interes ng mga babae, at kabilang dito ang mahigit 100 batas at regulasyon.
Kaugnay nito, ang Tsina ay itinala ng World Health Organization bilang isa sa sampung bansang pinakamahusay sa paggarantiya ng kalusugan ng mga babae at bata.
Dagdag pa ni Xi, sa Tsina, halos wala nang diperensiya sa kasarian o gender gap sa edukasyong kompulsaryo.
Ang mga babae ay katumbas ng 40% ng lakas-manggagawa ng bansa, at mahigit kalahati ng mga nagsisimula ng negosyong pang-Internet ay pawang kababaihan, sambit ni Xi.
Pagtatatag ng mas pantay, mas inklusibo at mas sustenableng daigdig
Ani Xi, ang epidemiya ng COVID-19 ay nagdudulot ng walang katulad na hamon, samantala, nagkakaloob din ito ng mga pagkakataon para sa malalim na realisasyon at pagtatatag ng mas magandang kinabukasan.
Ang pag-unlad aniya ng daigdig ay kailangang tumahak sa mas pantay, mas inklusibo at mas sustenableng landas.
Iminungkahi rin ni Xi ang muling pagdaraos ng World Conference on Women sa 2025.
Salin: Jade
Pulido: Rhio
标签:kababaihan Totohanang pagpapa-iral ng pagkakapatas na pangkasarian at pagpapahigpit ng kooperasyong pandaigdig sa mga usaping pambabae hiniling ng pangulong Tsino Radyo Internasyonal ng Tsina