Ang pamilya ay ang pundasyon at pinakamahalagang yunit ng lipunan, at ito ay paniniwalang parehas na kinikilala ng Pilipinas at Tsina.
Sa pamilya nagsisimula ang edukasyon, nabubuo ang pananaw sa mundo, at naipagkakaloob ang walang kondisyong pagmamahal, na dala-dala ng bawat tao habang-buhay.
Bilang pagpupugay sa di-mahahalinhang papel na ginagampanan ng pamilya, ipinagdiriwang sa Pilipinas kada huling linggo ng Setyembre ang “Linggo ng Pamilya.”
Kasabay nito, ipinagdiriwang din ang “Araw ng Kainang Pamilya Mahalaga,” tuwing ika-4 na Lunes ng Setyembre kada taon.
Binibigyang-diin ng dalawang ito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malakas, masaya, matatag at nagkakaisang pamilyang Pilipino.
Ayon sa National Committee on the Filipino Family (NCFF), ahensiyang responsable sa pagsusulong ng pamilya bilang pundasyon ng nasyong Pilipino, napaka-esensiyal ng halaga ng pagsa-salu-salo ng mga pamilya.
Ito ay isang pambansang tradisyon na nararapat isagawa at panatilihing buhay ng bawat pamilyang Pilipino, anang komite.
Pahayag naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque, "halina at ipagdiwang natin ang pribadong saglit kasama ang ating mga pamilya. Kumuha tayo ng maraming litrato at ibahagi natin ang mga ito sa social media.”
Kaugnay ng mga pagdiriwang na ito, sinuspinde ang trabaho sa Ehekutibong Sangay ng pamahalaan noong Lunes, Setyembre 28, simula 3:30 ng hapon upang bigyang-panahon ang mga kawani ng gobyerno na magkaroon ng mas mahabang oras na magdiwang kasama ang kani-kanilang pamilya.
Sa kabilang dako, tulad din ng mga Pilipino, ang konsepto ng pamilya bilang pundasyon ng lipunan at bansa ay isa ring esensiyal na elemento ng sibilisasyong Tsino.
Naniniwala ang mga Tsino, na ang mahusay na pangangasiwa sa pamilya ay magreresulta sa kasaganaan ng bansa, at sa bandang huli, ay magbubunsod sa pagtatayo ng isang matiwasay at mapayapang daigdig.
At tulad din sa Pilipinas, ang konsepto ng matatag at nagkakaisang pamilya bilang pundasyon ng nasyon ay taun-taong ipinagdiriwang ng mga Tsino, at isa sa mga pagdiriwang ay tinatawag na Pestibal ng Gitnang Taglagas, o mas kilala sa Pilipinas bilang Mooncake Festival.
Ito ay idinaraos tuwing ikalabinlimang araw ng ikawalong buwan ng kalendaryong Tsino at kilala rin bilang “Pestibal ng Buwan,” dahil ang buwan sa gabing ito ay mas bilog at mas maliwanag kaysa sa ibang natitirang gabi ng taon.
Para sa 2020, ang Pestibal ng Gitnang Taglagas ay napaka-espesyal para sa Tsina, dahil bumagsak ito ngayong araw, Oktubre 1, 2020, na siya ring Pambansang Araw o Ika-71 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Republika ng Bayan ng Tsina.
Dahil sa dalawang napakahalagang pangyayaring ito, mula Oktubre 1 hanggang 8, suspendido ang pasok sa mga paaralan, ahensiya ng gobyerno at karamihan sa mga pribadong kompanya, upang bigyan ng panahon ang mga mamamayan upang makasama ang kanilang mga mahal sa buhay.
Sa araw ng Pestibal ng Gitnang Taglagas, ang lahat ng miyembro ng pamilyang Tsino ay nagtitipon, at nagsa-salu-salo sa hapag-kainang puno ng prutas at minatamis, tulad ng pakwan at moon cake.
Ang pakwan ay madalas na hinihiwa sa hugis ng lotus upang ipakita at ipahayag sa lahat ng miyembro ng pamilya ang kaligayahan, kagalakan at kagalingan.
Samantala, ang Pestibal ng Gitnang Taglagas ay kilala rin sa Pilipinas bilang Mooncake Festival, at kadalasang ipinagdiriwang ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagkain ng moon cake.
Pero, alam ba ninyo kung bakit kinakain ang moon cake sa araw na ito?
Sa sinaunang Tsina, ang mga moon cake ay ginamit bilang alay sa diyos ng buwan, pero sa kalaunan, ang pagmamasid sa buwan at pagbabahagi ng moon cake tuwing Pestibal ng Gitnang Taglagas ay naging tradisyon sa muling pagkikita ng pamilya.
Ang mga moon cake ay ibinabahagi at pantay-pantay na hinahati sa bawat miyembro ng pamilya, at tinatawag itong “pagbabahagi ng keyk ng muling pagtitipun-tipon.”
Ang mga moon cake ay may iba't ibang lasa, ayon sa kostumbre ng ibat-ibang lugar ng Tsina.
Mas gusto ng mga tao sa Hilagang Tsina na palamanan ng bean paste o jujube ang kanilang keyk; samantalang sa Timog Tsina, mas gusto ng mga tao ang mga maalat na moon cake, at pinalalamnan pa ang mga ito ng bacon at pula ng itlog na maalat.
Ang mga moon cake ay may masarap na palaman at magagandang presentasyon, at ang mga ito ay gumagawa ng malaking impluwensiya, at ginagamit din bilang napakapopular na regalo.
Nitong nakalipas na libu-libong taon, naka-ugalian na ng mga Tsino na magsa-salu-salo tuwing Pestibal ng Gitnang Taglagas.
Gaano man kalayo, uuwi ang lahat ng miyembro ng pamilya upang magsama-sama, magbahaginan ng mga kuwento at karanasan, at magkakasamang kumain ng hapunan at moon cake, habang pinagmamasadan ang bilog at maliwanag na buwan.
Artikulo: Rhio
Edit: Jade/Rhio
Source:
https://www.pna.gov.ph/articles/1116778
Kumusta, Tsina, China Media Group/Higher Education Press, Beijing, 2019