Ipinangako ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na patuloy na magsisikap ang bansa para makapagbigay-ambag sa pagpapasulong ng pandaigdigang pangangasiwang pangkapaligiran.
Sa kanyang video speech sa United Nations Summit on Biodiversity, na ginanap nitong Miyerkules, Setyembre 30, ipinahayag ng pangulong Tsino ang pananangan at panawagan ng bansa sa biodiversity, multilateralismo, berdeng pag-unlad, at pagsasabalikat ng responsibilidad para sama-samang pagtatag ng mundo kung saan maharmonyang nabubuhay ang lahat ng nilalang.
Ang mga tao at kalikasan ay hindi maihihiwalay, at mayroon silang pinagbabahaginang tadhana, at ito ang aral na maaaring mapulot ng sangkatauhan sa hamon ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), diin ni Xi.
"Kung walang masaganang sistemang ekolohikal, walang mayamang sibilisasyon," saad pa ng pangulong Tsino.
Dapat aniyang isabalikat ng lahat ng mga bansa ang responsibilidad para sa maunlad na sibilisasyon ng sangkatauhan.
Para rito, ani Xi, "kailangan nating igalang ang kalikasan, sundin ang mga batas nito at arugain ito."
Dagdag pa ni Xi, sa harap ng iba't ibang pandaigdig na panganib at hamong pangkapaligiran, may pinagbabahaginang kinabukasan ang lahat ng mga bansa, kaya ang unilateralismo ay hindi uubra at ang pagtutulungan ay ang siyang tanging tumpak na landas.
Kaya, nararapat lamang aniyang ipagtanggol ng mga kalahok na bansa ang pandaigdig na sistema kung saan ang United Nations (UN) ang siyang nukleo, at pangalagaan ang dignidad at kapangyarihan ng pandaigdigang alituntunin upang mapalakas ang kakayahan sa pandaigdigang pangangasiwa ng sistemang ekolohikal.
Ipinahayag din ni Xi ang imbitasyon sa lahat, na dumalo sa Ika-15 Conference of the Parties (COP 15) ng Convention on Biological Diversity (CBD) ng United Nations (UN), na gaganapin sa Mayo 2021, sa Kunming, Yunnan Province, Tsina.
Ani Xi, inaasahan ng Tsina ang paglahok ng mga may kinalamang panig para magbahagi ng karanasan sa pangangalaga sa biodiversity tungo sa pagkakaroon at pagsasakatuparan ng komprehensibo at balanseng balangkas ng aksyon.
Salin: Jade
Pulido: Rhio
标签:biodiversity kalikasan Tsina patuloy na mag-aambag para sa pandaigdig na pangangasiwang pangkapaligiran - Xi Radyo Internasyonal ng Tsina