Ayon sa pahayag na inilabas kahapon, Linggo, ika-4 ng Oktubre 2020, ng pamahalaan ng Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR), buong tindi nitong tinututulan ang akusasyong ginawa noong Oktubre 3 ng tagapagsalita ng Kagawaran ng Estado ng Amerika, tungkol sa pagdakip noong Oktubre 1 ng kapulisan ng Hong Kong ng mga suspek na kasangkot sa paglahok sa isang di-awtorisadong pagtitipun-tipon sa Causeway Bay.
Ayon sa pahayag, lehitimo ang pagdakip na ito, at kinakailangan ito para ipagtanggol ang batas at kaayusan ng lipunan, at pangalagaan ang pamumuhay at ari-arian ng mga residente ng Hong Kong.
Ang naturang iresponsableng pananalita ng panig Amerikano ay nagpapakita ng tuluy-tuloy nitong pagsasagawa ng double standard, sa isyu ng pagpapatupad ng batas ng Hong Kong, saad ng pahayag.
Dagdag pa ng pahayag, ang HKSAR ay bahagi ng Tsina, at ang mga suliranin ng Hong Kong ay suliraning panloob ng Tsina. Dapat itigil ng mga pamahalaan ng ibang bansa ang pakikialam sa mga suliranin ng Hong Kong, diin ng pahayag.
Salin: Liu Kai