Palaging pamantayan ng pag-analisa sa kabuhayang Tsino ang “Golden Week,” pitong araw na bakasyon ng Pambansang Araw ng Tsina.
Narito ang isang serye ng datos na nagpapakita ng kasiglahan ng konsumo ng mga mamamayang Tsino nitong 8 araw na bakasyong nakalipas: mula noong Oktubre 1 hanggang 8, 2020, umabot sa halos 1.6 na trilyong Yuan RMB ang halaga ng pagbebenta ng retail at mga pangunahing catering enterprises ng buong Tsina; nagbyahe sa buong bansa ng 637 milyong turistang Tsino na nagbunga ng halos 466.6 na bilyong yuan na kita sa turismo; umabot sa 395.2 milyong yuan ang kabuuang kita sa takilya ng buong bansa na nakaakit ng halos 100 milyong manonood.
Sinabi ng pahayagang New York Times na hanggang sa kasalukuyan, ang kaganapan sa katatapos na “Golden Week” ay pinakamalinaw na signal ng pag-ahon ng Tsina mula sa pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).
Sa kasalukuyan, ang pag-unlad ng kabuhayang Tsino ay mas dumedepende sa pangangailangang panloob, partikular na sa pangangailangan sa konsumo, mula sa naunang labis na pagdepende sa pamumuhunan at pagluluwas. Patuloy hanggang ngayon ang tunguhin ng pag-u-upgrade ng lebel ng konsumo ng mga mamamayang Tsino. Lalong lalo na, ang napakabilis na pag-unlad ng digital economy ay nakakapagpabilis sa prosesong ito, bagay na nakakapagbigay ng mahalagang suporta sa pag-ahon ng kabuhayang Tsino.
Ayon sa artikulong inilathala ng “Barron,” magasing pinansiyal ng Amerika, nitong ilang buwang nakalipas, ang pag-ahon ng kabuhayang Tsino ay matagumpay na modelo sa buong mundo. Anito, napakalalim ng naiwang impresyon sa pag-usbong ng kabuhayang Tsino. Isang sanhi nito’y malakas na pamumuno ng pamahalaang Tsino, at pagtaglay ng mga mamamayan ng mataas na kompiyansa sa kalagayang ekonomiko.
Kasalukuyang humihina ang kabuhayang pandaigdig dahil sa epekto ng pandemiya. Malinaw na ang mabilis na pag-ahon ng ikalawang ekonomiya sa daigdig ay nakakabuti hindi lamang sa sarili, kundi sa iba. Nakakatulong ito sa pag-ahon ng kabuhayang pandaigdig.
Ayon naman sa pagtaya ng mga organong pandaigdig na gaya ng International Monetary Fund (IMF) at World Bank (WB), ang Tsina ay umaasang magiging tanging pangunahing ekonomiyang maisasakatuparan ang paglaki ng kabuhayan. Sa kalagayan ng paghina ng kabuhayang pandaigdig, walang duda, binibigyan ng mabilis na umuunlad na kabuhayang Tsino ng mas maraming kompiyansa at pag-asa ang buong mundo.
Salin: Lito