Sa pag-uusap kahapon, Sabado, ika-10 ng Oktubre 2020, sa lunsod Tengchong, lalawigang Yunnan sa gawing timog kanluran ng Tsina, nina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Teodoro Locsin, Kalihim ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas, sinabi ni Wang, na bilang magkapitbansa, ang pagpapanatili sa pangmatagalang pagkakaibigan ay angkop sa saligang kapakanan at komong hangarin ng mga mamamayan ng Tsina at Pilipinas.
Aniya, patuloy na susuportahan ng Tsina ang Pilipinas sa paglaban sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) hanggang matamo nito ang pinal na tagumpay.
Nakahanda rin aniya ang Tsina na ipagkaloob sa Pilipinas ang mga kinakailangang materyal, ibahagi ang mga karanasan, at isagawa ang kooperasyon sa aspekto ng bakuna kontra COVID-19.
Ipinahayag din ni Wang ang pag-asang mapapalalim pa ng Tsina at Pilipinas ang koordinasyon ng Belt and Road Initiative at Build Build Build, para ibayo pang galugarin ang mga bagong larangang pangkooperasyon.
Tinukoy ni Wang, na ang Tsina at Pilipinas ay mayroong mga mainam na karanasan sa maayos na paghawak ng isyu ng South China Sea, at nakahanda aniya ang Tsina na pasulungin, kasama ng Pilipinas, ang talastasan sa Code of Conduct (COC) in the South China Sea.
Pinasalamatan din ni Wang ang Pilipinas sa ibinigay nitong ambag, bilang bansang tagapagkoordina sa relasyon ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), para sa pagpapalakas ng kooperasyong Sino-ASEAN.
Binigyan naman ni Locsin ng positibong pagtasa ang mabilis na pagbangon ng kabuhayan ng Tsina mula sa epekto ng COVID-19 at inklusibong pag-unlad ng bansa, na nagdudulot ng pakinabang sa iba’t ibang bansa ng daigdig.
Umaasa aniya ang Pilipinas, na maisasagawa kasama ng Tsina, ang kooperasyon sa aspekto ng bakuna kontra COVID-19.
Ipinahayag din ni Locsin ang kahandaan ng Pilipinas na pangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa South China Sea, at pasulungin ang talastasan sa COC.
Dagdag niya, batay sa paggalang sa isa’t isa, dapat magkakasamang magsikap ang mga bansang ASEAN at ibang mga bansa sa Silangang Asya, para sa kapayapaan, katatagan, at kaunlaran ng rehiyong ito.
Salin: Liu Kai