Ipinahayag nitong Lunes, Oktubre 12, 2020 ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina, na sa katuwiran umano ng confidentiality privilege, walang batayan ang hindi pagpayag ng panig Kanadyano na ibunyag ang kaukulang impormasyon kaugnay ng kaso ni Meng Wanzhou, Chief Financial Officer (CFO) ng Huawei Company. Ito aniya ay malinaw na pagtatangkang itago ang katotohanan.
Ayon sa ulat ng Canadian Justice Department, nagbaba ng hatol ang hukumang Kanadyano na katigan ang departamentong ito na huwag ipagkaloob ang mga dokumentong saklaw ng confidentiality privilege sa legal team ni Meng.
Kaugnay nito, tinukoy ni Zhao na kung talagang iginagalang ng panig Kanadyano ang regulasyong pambatas, dapat nitong payagang makita ang mga may kinalamang sensitibong ebidensya at impormasyon ng kaso sa lalong madaling panahon para malaman ng mas maraming mamamayang Kanadyano ang tunay na kaganapan sa kaso ni Meng sa halip ng pagtatago nito.
Salin: Lito