Kampanya laban sa pag-aaksaya ng pagkain, isinusulong ng Pilipinas at Tsina; International Day of Awareness of Food Loss and Waste at World Food Day, ipinagdiriwang

2020-10-16 15:55:49  CMG
Share with:

Kampanya laban sa pag-aaksaya ng pagkain, isinusulong ng Pilipinas at Tsina: International Day of Awareness of Food Loss and Waste at World Food Day, ipinagdiriwang_fororder_20201016pagkain550

Dahil sa pananalasa ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), masidhing naapektuhan ang produksyon ng pagkain sa Pilipinas, at kinakailangan ang totohanang pagtutok sa mga kongkretong gawain upang muling mapalakas ang sustenableng pagpoprodyus, at tuluyang tuldukan ang malawakang pag-aaksaya nito.


Ayon sa pag-aaral na inilabas ng Social Weather Stations (SWS) noong Setyembre 2020, mga nasa 7.6 milyong pamilya ang napabalitang nakaranas ng pagkagutom, isang beses sa nakaraang tatlong buwan habang nananalasa ang COVID-19.

Ang bilang na ito ay tumaas sa 30.7% mula sa 23.8% noong Marso 2012.

Samantala, ikinalungkot naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang nasabing balita, at sinabi niyang kasalukuyang ini-implementa ng pamahalaang Pilipino ang maraming interbensiyon upang masolusyunan ang suliraning ito.

"Kaya nga tayo nagbubukas ng ekonomiya para mapababa 'yung numero ng mga nagugutom,” aniya.

Sinabi pa niyang "pilit nating ipinalalabas ang mas maraming transportasyon... Nagbibigay po tayo ngayon ng ayuda sa mga lugar na subject sa localized or granular lockdown, at patuloy po ang pagbibigay natin ng tulong sa mga nawalan ng trabaho."

Inisyatiba ng UN  sa restriksyon sa pagsasayang ng pagkain

Kaugnay ng usaping ito, idinaos noong Setyembre 29, 2020 ang kauna-unahang International Day of Awareness of Food Loss and Waste, at ipinagdiriwang naman ngayong raw, Oktubre 16, 2020 ang World Food Day.

Layon ng mga itong itaas ang kamalayan ng sangkatuhan sa usapin ng pagkain at pagsasayang ng pagkain; at gumawa ng mga konkretong hakbang upang maisulong ang sustenable at berdeng pagpoprodyus ng pagkain, puksain ang gutom at labanan ang pag-aaksaya ng pagkain.

Ayon sa United Nations (UN), kasamang dumating ng COVID-19 ang maraming hamon sa seguridad sa pagkain sa maraming bansa, at ito ay isang hudyat para upang muling pag-isipan at ibalanse ng lahat ang paraan kung paano iprodyus at ikonsumo ang pagkain.

Dagdag pa ng UN, mga 14% ng naipo-prodyus na pagkain para sa konsumo ng sangkatauhan ay nasasayang kada taon, mula sa proseso ng pagtatanim at pagpapalaki hanggang sa pagdating sa pamilihan, at mas marami pa ang nasasayang sa lebel ng mga tingiang tindahan at konsumer.

Ayon naman sa Food and Nutrition Research Institute (FNRI), ang isang pamilyang Pilipino noong 2015 ay nakakapag-aksaya ng 43 gramo ng kanin kada araw, samantalang ang buong bansa naman ay nagsasayang ng mga 987,952 kilo ng kanin kada araw.

Dagdag pa ng FNRI, 8 gramo ng iba pang pagkain na tulad ng isda, karne, poultry at gulay ang naaaksaya ng isang pamilyang Pilipino kada araw.

Hinggil dito, sinabi ng UN na “kailangan nating malaman ang kahalagahan ng usapin sa pagsasayang ng pagkain, lalo na sa panahong ito, upang maisulong ang mga pandaigdigang hakbang upang masolusyunan ang suliraning ito.”

Bukod sa tone-toneladang pagkaing na-aaksaya araw-araw, marami pang ibang isyu na kaakibat ito, gaya ng pagkasira at pagkaubos ng likas na yaman, at ang patuloy na pagtaas ng lebel ng nakalalasong usok sa atmospera.

Panukalang batas ng Pilipinas kontra sa pag-aaksaya ng pagkain

Upang masolusyunan ang nasabing isyu, isinumite noong Disyembre, 2019 ni Senador Lito Lapid ang Senate Bill No. 1242 o “Zero Food Waste Act.”

Ito ay isang panukalang batas na naglalayong gumawa ng sistema  sa pamamahagi at pagreresiklo ng pagkain upang mabigyan ng seguridad sa pagkain ang  mahihirap na sektor ng lipunan.

Ayon sa panukala, itatayo ang mga food bank — ibig sabihin, mga non-profit, charitable o iba pang social mission-driven na organisasyon, at sila ang mamamahagi ng pagkain sa mahihirap.

Ani Lapid, kailangang magkaroon ng polisiya sa pagkakaroon ng seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng pagtatayo ng epektibong sistema ng regulasyon na magreresolba sa pangangailangan ng mahihirap na populasyon.

Bukod dito, kasama rin sa panukalang batas ang pagtatayo ng episyenteng sistema ng paggamit at pamamahala ng suplay ng pagkain, at mekanismo ng pagpapataas ng kamalayan ng mga tao sa kahalagahan ng pag-iwas sa pag-aaksaya ng pagkain.

Sa ilalim nito, isusulong ng National Nutrition Council (NCC), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Education (DepEd), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Health (DOH), at iba pang may-kinalamang ahensiya at sangay ng pamahalaan ang National Zero Food Waste Campaign.

Layon nitong itaas ang kamalayan at kaalaman ng publiko hinggil sa masamang dulot ng pag-aaksaya ng pagkain, Zero Food Waste Act, at iba pang hakbangin upang mabawasan ang pagsasayang ng pagkain ng mga may-kinalamang negosyo at kabahayan.

Dagdag pa riyan, matatandaang inihain ni Senador Francis “Chiz” Escudero noong 2016 ang katulad na panukulang batas (Senate Bill No. 3225), na naglalayong sawatain ang mga supermarket, restawran, at iba pang katulad na negosyo na itapon ang sobra at hindi naibentang pagkain, at sa halip ay ibigay na lamang ang mga ito sa kawanggawa.

Sa ilalim ng panukalang batas ni Escudero, maaaring pagmultahin ng P1 milyon hanggang P5 milyon, o depende sa halaga ng mga inaksayang pagkain, at kung ilang beses ito nangyari.

Pambansang kampanya ng Tsina sa pagtitipid ng pagkain

Samantala, ang usapin ng sustenableng pagpo-prodyus ng pagkain at pag-iwas sa pag-aaksaya nito ay isa ring napakahalagang isyu sa Tsina, at kagaya ng Pilipinas, seryosong isinusulong ng bansa ang kampanya laban sa pagsasayang ng pagkain.

Noong 2013, naging isa sa sampung buzzword ng taon ang salitang "clean plate."

Ito ay isang kampanya noong taong iyon, na naglalayong sawatain at pigilan ang pag-aaksaya ng pagkain, lalo na ang pagdaraos ng mararangyang bangkete ng ilang opisyal ng gobyerno.

Pero, ngayong taon, ine-enkorahe ng gobyerno ang pakikilahok ng mas malawak na masang Tsino sa naturang kampanya.

Noong Agosto 11, ipinanawagan ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa lahat ng mamamayan na huwag mag-aksaya ng pagkain.

Kahit mabuti aniya ang ani ng Tsina nitong nakaraang mga taon, nararapat pa ring panatilihin ang kaugalian ng pagiging “masinop,” lalo na ngayong panahon ng pandemiya.

Ayon kay Chen Mengshan, Presidente ng China Agricultural Technology Economics Association, kahit walang kakulangan sa pagkain ang Tsina sa panahon ng pandemiya, hindi ito maaaring magkibit-balikat na lamang sa mga hamong dala ng COVID-19 sa produksyong pang-agrikultura at pag-aangkat ng bansa.

Aniya pa, dahil sa pandemiya, nagkaroon ng panganib sa seguridad sa pagkain ng mundo, at ipinatigil ng maraming bansa ang pagluluwas ng pagkain upang maisigurado na mayroon silang sapat na suplay.

Ito aniya ay nagbunsod ng pagtaas ng presyo ng maraming bilihin.

Sinabi ni Chen, nauunawaan ng Tsina ang situwasyon, kaya naman napapanahon ang pagbibigay ng mariing pansin sa problema ng pag-aaksaya ng pagkain.

Kilala ang mga Tsino sa pagiging “masinop,” ngunit sa paglipas ng panahon at napakaraming pagbabago at pag-unlad sa paraan ng pamumuhay, ito ay isang kaugaliang unti-unti nang naglalaho,  lalo na sa mga bagong henerasyon.

Kada taon, nasa 17 milyon hanggang 18 milyong tonelada ang na-aaksayang pagkain sa mga kalunsuran ng Tsina, at maaari nitong pakainin ang 30 hanggang 40 milyong katao sa loob ng isang taon.

Kaya naman sa panahong ito, nagpupunyagi ang pamahalaang Tsino upang muling maibalik sa isipan ng mga mamamayan ang kaugalian ng pagiging “masinop.”

Nitong katatapos na bakasyon ng Pambansang Araw at Pestibal ng Gitnang Taglagas mula Oktubre 1 hanggang 8, 2020, inatasan ng pamahalaang Tsino ang sektor ng restawran at otel ng bansa na gumawa ng mga hakbang upang tuldukan ang pag-aaksaya ng pagkain, habang pinabubuti ang kalidad ng kanilang mga produkto at serbisyo.

Ayon sa plano ng aksyon mula sa State Council, dapat magkaroon ng mga konkretong aksyon na magiging bahagi ng buong proseso: mula sa pagbili ng mga hilaw na materyal, pag-iimbak, pagpoproseso, pagsisilbi ng pagkain hanggang sa pagpapabalot o takeaway.

Alinsunod dito, makikita sa isang restawran sa Distrito ng Chaoyang, lunsod ng Beijing ang mga ready-to-eat seafood na nakalagay sa maliliit na platito.

Ayon sa manager nitong si Zhang Weidong, ang mga kostumer na makakaubos ng kanilang inorder ay bibigyan ng prutas bilang regalo.

Samantala, ipinahayag naman ni Wang Yajing, Deputy Manager ng Beijing Hepingmen branch ng Quanjude, isa sa mga pinakakilalang restawran ng Peking Duck sa Beijing, na bumaba ng 40% ang mga tira-tirang pagkain sa kanyang sangay.

Sa isa namang kasalan sa Distrito ng Minhang, lunsod Shanghai, gawing silangan ng Tsina, sinabi ni Xu Jie (lalaking ikinasal), na nai-plano nilang mabuti ang dami ng pagkaing inorder base sa bilang ng mga bisita.

Maliban dito, binigyan din ng mga karton at bag ang mga bisita para sa pag-uuwi ng mga pagkaing hindi naubos.

Sa lunsod naman ng Shenzhen, gawing timog ng Tsina, anim na sangay ng Kentucky Fried Chicken (KFC) ang naglunsad ng programang tinaguriang  "Food Bank," kung saan ipinamimigay ang mga pagkaing hindi naibenta, na kahalintulad ng mga probisyon ng Senate Bill No. 1242 o “Zero Food Waste Act.”

Napakahalaga ng kasalukuyang kampanya ng Tsina, dahil hindi lamang ito tungkol sa pagpapatuloy sa asal na pagiging masinop, sustenableng produksyon ng pagkain at paglaban sa pagsasayang ng pagkain sa bansa, kundi nakaka-apekto rin sa pag-aangkat at pagluluwas ng pagkain sa maraming bansa sa mundo ngayong panahon ng pandemiya.

 

Artikulo: Rhio Zablan

Edit: Jade

Please select the login method