Ipinahayag kahapon, Biyernes, ika-16 ng Oktubre 2020, ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na ang mga interaksyong diplomatiko kamakailan ng Tsina at mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ay makakatulong sa pagpapalakas ng pagkakaisa ng dalawang panig, at pagpapalalim ng kanilang kooperasyon sa paglaban sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Winika ito ni Wang kaugnay ng kanyang pakikipagtagpo kina Luhut Binsar Pandjaitan, espesyal na sugo ng pangulo ng Indonesya, at Teodoro Locsin, Kalihim ng Ugnayang Panlabas ng Pilipinas na dumalaw sa Tsina noong isang linggo, at kanyang katatapos na pagdalaw sa Cambodia, Malaysia, Laos, Thailand at Singapore.
Sinabi ni Wang, na sa mga okasyong ito, nagpalitan ng palagay, at nagkaroon ng komong palagay, siya at mga mataas na opisyal ng naturang mga bansa ng ASEAN, sa mga mahalagang isyung gaya ng magkakasamang pagharap sa mga hamong dulot ng pandemiya ng COVID-19 at pabagu-bagong kalagayang pandaigdig, pagpapalalim ng bilateral na relasyon, pangangalaga sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon, pagpapabuti ng sistema ng pandaigdig na pamamahala.
Ani Wang, sinang-ayunan ng iba't ibang panig, na pabutihin ang magkakasanib na pagpigil at pagkontrol sa pandamiya, pasulungin ang pagpapalitan ng mga karanasan sa pag-iwas at pagbibigay-lunas sa panahon ng pandemiya, at palakasin ang kooperasyon sa pananaliksik, pagdedebelop, paggawa, at paggamit ng bakuna.
Nakahanda aniya ang Tsina, na tulungan ang mga bansang ASEAN na pagtagumpayan ang pandemiya, sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga kinakailangang materyal kontra COVID-19, pagsasagawa ng kooperasyon sa bakuna, pagtatayo ng mga nucleic acid testing laboratory, at pagsuporta sa ASEAN sa paglalaan ng pondo para sa paglaban sa pandemiya at pagtatatag ng imbakan ng mga pangkagipitang meteryal na medikal.
Samantala, sinabi ni Wang, na ang "dual circulation" development at Belt and Road Initiative ng Tsina ay magkakaloob ng pagkakataon sa mga bansang ASEAN, para pabilisin ang pagbangon ng kani-kanilang kabuhayan.
Kaugnay naman ng isyu ng South China Sea, sinabi ni Wang, na ang karagatang ito ay hindi dapat maging lugar kung saan ipinagmamayabang ng mga malaking bansa ang kani-kanilang malakas na puwersang militar, o maglayag ang maraming bapor pandigma.
Dagdag niya, sinang-ayunan ng iba't ibang panig na lutasin ang pagkakaiba sa pamamagitan ng mapagkaibigang pagsasanggunian, mabisang ipatupad ang Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea, pabilsin ang talastasan sa Code of Conduct in the South China Sea, at pangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa karagatang ito.
Salin: Liu Kai