Military Museum of the Chinese People's Revolution, Beijing—Binuksan Lunes, Oktubre 19, 2020 ang eksibisyon bilang paggunita sa ika-70 anibersaryo ng pagpasok ng Chinese People's Volunteers (CPV) army sa Hilagang Korea para tumulong sa digmaan kontra Amerika.
Dumalo at nagtalumpati sa seremonya ng pagbubukas si Wang Huning, Kalihim ng Sekretaryat ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC).
Saad ni Wang, ang nasabing digmaan ay makatarungang labanan para sa pangangalaga sa kapayapaan at paglaban sa pananalakay.
Aniya, sa ilalim ng magkasamang pagsisikap ng mga komander at sundalo ng CPV, kasama ng mga mamamayan at tropang Hilagang Koreano, dakilang tagumpay ang nakamit ng digmaang ito.
Dagdag ni Wang, layon ng eksibisyon na komprehensibong sariwain ang kasaysayan at karanasan sa digmaang ito, ipamalas ang diwang rebolusyonaryo ng CPV, at lubos na ipakita ang matibay na determinasyon ng nasyong Tsino sa pangangalaga sa kapayapaan.
Dapat palaganapin ang diwa ng nasabing digmaan, at walang humpay na magpunyagi para sa komprehensibong pagtatatag ng may kaginhawahang lipunan at pagsasakatuparan ng dakilang pag-ahon ng nasyong Tsino, ani Wang.
Salin: Vera