Sa pulong bilang paggunita sa ika-70 anibersaryo ng pakikidigma ng Chinese People's Volunteers (CPV) army laban sa pananakop ng Amerika sa Hilagang Korea, bumigkas ng mahalagang talumpati nitong Biyernes, Oktubre 23, 2020 si Pangulong Xi Jinping ng Tsina kung saan inilahad ang malinaw na signal ng Tsina sa buong tatag na pagtatanggol sa teritoryo, soberanya, at unipikasyon ng bansa, at pangangalaga sa kapayapaan at katatagang panrehiyon at pandaigdig.
"Isinagawa ng makatarungang hukbo ang makatarungang kilos." Ito ang pundamental na esensya ng pakikidigma ng CPV army laban sa pananakop ng Amerika sa Hilagang Korea 70 taon na ang nakararaan. Noong Hunyo, 1950, kasunod ng pagsiklab ng Korean War sa pagitan ng Hilagang Korea (DPRK) at Timog Korea (ROK), ipinasiya ng pamahalaang Amerikano na sumali sa digmaang ito batay sa pandaigdigang estratehiya at Cold War ideology nito. Sinadyang lumusob ang tropang Amerikano sa 38th Parallel, at sinimulan ang armadong pakikibaka sa hanggahang Sino-Koreano, bagay na puwersahang isinangkot sa digmaan ang mga mamamayang Tsino. Sa pangkagipitang kaganapang ito, gumawa ang dating lider na Tsino na gaya ni Mao Zedong, ng mahalaga at malaking desisyong ipadala ang CPV sa pakikidigma laban sa tropang Amerikano.
Sa ilalim ng napakahirap na kondisyon, mahigpit na nagtulungan ang CPV, kasama ang tropa at mamamayang Hilagang Koreano, at nakuha ang dakilang tagumpay sa nasabing digmaan na tumagal ng dalawang taon at siyam na buwan. Tulad ng sinabi ni Xi sa kanyang talumpati, "ang pakikidigma ng CPV army laban sa pananakop ng Amerika sa Hilagang Korea ay proklamasyon ng mga naghimagsikang mamamayang Tsino sa dakong silangan ng daigdig, at ito rin ay mahalagang tagpo sa kasaysayan ng pagtungo ng Nasyong Tsino sa dakilang pag-ahon."
Kung pag-aaralan ang kasaysayan, malalaman ang kinabukasan. Ang maringal na paggunita ng Tsina sa nasabing makatarungang digmaan nitong nakaraang 70 taon , ay para pag-aralan ang makasaysayang karanasan, makuha ang makatotohanan at pangmalayuang benepisyo, at mas mabuting pangalagaan ang kapayapaan, sa halip na ipagpapatuloy ang konprontasyon.
Salin: Lito