US$ 200M na kasunduan ng Sinopec Group at Eng Seng Food Products ng Pilipinas, nilagdaan

2020-11-06 16:38:24  CMG
Share with:

Idinaos Nobyembre 5, 2020, ang seremonya ng paglalagda ng kasunduan sa pagitan ng Sinopec Group ng Tsina at Eng Seng Food Products ng Pilipinas.

US$ 200M na kasunduan ng Sinopec Group at Eng Seng Food Products ng Pilipinas, nilagdaan

Ang kinatawan ng Sinopec na si G. Wang Haibo (kaliwa)  at kinatawan ng Eng Seng na si G. Tom Xiao habang pumipirma ng kasunduan

Ayon sa kasunduan, aangkatin ng Sinopec Group ang mga buko o young coconut at dried fruit snacks mula sa Eng Seng Food Products na nagkakahalaga ng 200 milyong dolyares sa loob ng limang taon.

Bunga nito, mabibili sa mga convenience chain stores na Easy Joy (Yi Jie sa wikang Tsino) ng Sinopec Group ang mga produktong Pilipino.

Ang pagpirma ng kasunduan ay isa sa mga pangunahing kaganapan sa pagitan ng Tsina at Pilipinas sa idinaraos na Ikatlong China International Import Expo (CIIE) sa Shanghai, Tsina, na tatagal hanggan Nobyembre 10.

Nauna rito, inilabas ng Goodfarmer China ang procurement commitment hinggil sa pag-aangkat ng saging at pinya mula sa Pilipinas na nagkakahala ng US$ 25M sa 2021.  

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina at puno ng delegasyong Pilipino sa CIIE, na ang pagpirma ng kasunduan ng Sinopec at Eng Seng ay muling nagpapakita ng katangi-tanging kalidad ng mga food products ng Pilipinas. Ibayo pang magpapasulong ito ng malakas nang relasyong pang-ekonomiya at pangkalakalang Pilipino-Tsino. Nagpapatingkad din ito ng papel ng CIIE bilang isa sa mga pinakamabisang platapormang pangkalakalan para ipakilala sa merkadong Tsino at dayuhan ang mga panindang Pilipino,dagdag ni Amba. Sta. Romana.

US$ 200M na kasunduan ng Sinopec Group at Eng Seng Food Products ng Pilipinas, nilagdaan

Si Amba. Sta. Romana (gitna), kasama ng mga kinatawan ng Sinopec at Eng Seng, at mga opisyal na Pilipino

Ang Sinopec Group ay ang pinakamalaking supplier ng mga oil at petrochemical products ng Tsina. Karaniwang matatagpuan ang Easy Joy stores sa mga gas stations ng Sinopec at ibinibenta rito ang mga basic groceries. Sa kasalukuyan, may 27,500 Easy Joy stores sa buong Tsina.

Noong isang taon, umabot ang turnover sa 60 bilyong Yuan RMB ng Easy Joy, at mayroon itong 120 milyong active patrons o buyers.

Ulat: Lito/Jade

Pulido:Mac

Larawan: CIIE

Video: Lito

Video editing: Sarah

Please select the login method