Ipinahayag kahapon, Biyernes, ika-6 ng Nobyembre 2020, ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang pag-asang, patuloy na magsisikap ang kanyang bansa, kasama ng Kambodya, para walang humpay na pataasin sa bagong lebel ang komprehensibo, estratehiko, at kooperatibong partnership ng dalawang bansa.
Winika ito ni Xi sa kanyang pakikipagtagpo sa Beijing, kasama ni First Lady Peng Liyuan, kina King Norodom Sihamoni at Queen Mother Norodom Monineath Sihanouk ng Kambodya.
Pinasalamatan din niya ang pamilyang royal ng Kambodya sa pagsuporta at pagkakaloob ng mga tulong na materyal sa Tsina para sa paglaban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ipinahayag naman ni Sihamoni ang kahandaang ipagpatuloy ang malalimang pagkakaibigan ng Kambodya at Tsina, at likhain ang bagong kabanata ng kooperasyong pangkaibigan ng dalawang bansa.
Hinahangaan din niya ang pagtamo ng mga mamamayang Tsino ng malaking tagumpay sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagpupunyagi.
Samantala, sa seremonya namang idinaos sa araw na ito, ginawaran ni Xi ng Medalya ng Pagkakaibigan ng Republika ng Bayan ng Tsina, pinakamataas na karangalan ng Tsina sa mga dayuhan, si Queen Mother Monineath, bilang pasasalamat sa kanyang malaking ambag para sa pagpapasulong ng pagkakaibigan ng Tsina at Kambodya.
Salin: Liu Kai