Upang mabigyan ng kinakailangang pagkain ang mga mahirap na pamilya sa Shanghai, makikipagpartner ang Liwayway China sa Shanghai Food Bank.
Sa panahon ng Ika-3 China International Import Expo (CIIE) na ginaganap sa naturang lunsod, idinaos, Nobyembre 5, 2020 ang seremonya ng paglagda sa Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng Liwayway China at Shanghai Food Bank hinggil sa nasabing proyekto.
Sa kanyang talumpati sa seremonya, ipinahayag ni Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina ang kanyang kagalakan sa pagkakalagda ng Liwayway China at Shanghai Food Bank sa naturang MOU.
Ipinaabot din niya ang pasasalamat sa Philippine Trade and Investment Center (PTIC-Shanghai) at Liwayway China sa pagtataguyod ng nasabing Corporate Social Responsibility (CSR) activity, bagay na makakapagbigay-tulong sa pangangailangan sa pagkain ng mga mahirap namamamayan.
Si Embahador Jose Santiago Sta. Romana
Sinipi rin ni Sta. Romana ang linyang mula kay Shauna Niequist, New York Times best-selling author na “ang pagpapakain ng mga tao ay isang paraan ng pagmamahal sa kanila.”
Hinikayat ng embahador ang mga kompanyang Pilipino, Filipino Community at Philippine government na nakatalaga sa Shanghai na ipagpatuloy ang kanilang pagsisikap para mapasulong ang mga programa ng pagtulong sa komunidad.
Ang Shanghai Food Bank ay isang sangay ng Food Bank China (FBC), isang di-pampamahalaan at walang-kinikitaang organisasyong nabibilang sa Shanghai Oasis Public Service Development Center, na naitatag noong Nobyembre ng taong 2004.
Layon nitong pataasin ang kamalayan ng mga mamamayan hinggil sa pag-aaksaya ng pagkain, iwasan ang problemang pangkapaligiran na dulot ng pag-aaksaya ng pagkain, at ipagkaloob ang pagkain sa mga mahirap at mahinang pamilya sa mga komunidad.
Kasamang dumalo sa seremonya sina Consul Marlowe Miranda; Commercial Counselor Glenn Peñaranda; Agriculture Counselor Ana Abejuela; Vice Consul (Commercial) John Paul Iñigo; Vice Consul (Commercial) Mario C. Tani; Executive Director Archie Chan at President Larry Chan ng Liwayway China; Li Bin, Tagapagtatag ng Food Bank China; at iba pang opisyal at kinatawan mula sa Pilipinas at Tsina.
Ulat: Lito
Pulido: Rhio/Jade
Larawan: CIIE