Sa isang live-stream shopping show na pinamagatang Mr. Fresh "Global High-end Selection," na idinaos kamakailan ng Tmall, isa sa mga kilalang online shopping platform na pag-aari ng Alibaba, ipinakilala ni Mario C. Tani, Commercial Vice Consul ng Philippine Trade and Investment Center (PTIC- Shanghai) ang pinya ng Pilipinas bilang pinakamasarap at pinakamatamis sa buong mundo, at hitik sa Bitamina C na kailangang-kailangan upang maprotektahan ang kalusugan laban sa mga sakit na gaya sipon, ubo, at marami pang iba.
Si Mario C. Tani habang ipinakikilala ang pinya ng Pilipinas
Ang naturang aktibidad ay isa sa mga kaganapang pangpromosyong may-kaugnayan sa Singles' Day Online Sales Festival na nagsimula hating-gabi ng Oktubre 31 hanggang hating-gabi ng Nobyembre 11.
Samantala, sa hiwalay na panayam sa China Media Group-Filipino Service (CMG-FS), sinabi ni Tani, na "ang Tsina ay tahanan ng Alibaba, pinakamalawak at pinakamalaking plataporma ng e-commerce sa buong mundo, kung saan, maaaring mabili ang halos kahit anumang naisin at ipadeliber ang mga ito sa harap mismo ng inyong bahay, sa pinakamablis na paraan."
Aniya ang e-commerce ng Tsina ay isang tagapagbagong lakas na nagbibigay ng pantay na pagkakataon ng pag-unlad sa lahat ng kompanya sa buong mundo, malaki man o maliit.
Kaya naman, malaking oportunidad aniya para sa Pilipinas na samantalahin ang napakalaking potensyal ng platapormang ito upang mapasok ng mga produktong Pilipino ang merkadong Tsino.
Kaugnay nito, tinatayang sa darating na 10 taon, posibleng lalampas ng $US22 trilyon ang pangkalahatang halaga ng panindang aangkatin ng Tsina mula sa ibat-ibang bansang kinabibilangan ng Pilipinas.
Sinabi ni Tani, na mga 73 milyong Pilipino ang gumagamit ng Internet sa mahigit 9 na oras bawat araw, at dahil sa pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), libu-libong negosyanteng [Pilipino] ang natutong magbenta o magnegosyo online.
Ibig sabihin, umabot na aniya sa mahigit 50% ng populasyon ng Pilipinas ang gumagawa ng transaksyon sa online na plataporma, kaya pamilyar at may-kakayahan ang mga kompanyang Pilipino upang subukin ang industriya ng e-commerce ng Tsina.
Sa kasalukuyan, mabibili na ngayon sa Taobao (isa sa mga kilalang online shopping platform ng Alibaba) ang mga produktong Pilipino na gaya ng sariwang saging, sariwang pinya, sariwang papaya, sariwang bangus, sabaw ng buko, pinatuyong mangga o dried mangoes, banana chips, katas ng pinya, de-latang pinya o pineapple chunks, pinatuyong buko o dried young coconut, de-latang katas ng kalamansi, de-latang sisig na bangus, langis ng niyog o virgin coconut oil, baston ng rattan para sa Arnis/Eskrima, lahat ng produkto ng Liwayway Marketing Corporation, o mas kilala bilang Oishi, at marami pang iba.
Ilan sa mga mabibiling produkto ng Pilipinas sa Taobao
Dagdag ni Tani, ang pagpasok ng mga kompanya ng Pilipinas sa industriya ng e-commerce ng Tsina ay makapagdedebelop ng maraming trabaho para sa mga Pilipino at magbibigay ng malaking ambag sa muling pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
Sa kabilang dako, upang mas maging epektibo ang pagpapakilala ng mga panindang Pilipino sa merkadong Tsino, sinabi Wei La, isang nakapanood ng programang Mr. Fresh "Global High-end Selection," na kailangang idaos ang mas marami, mas organisado at mas planadong katulad na aktibidad upang marami pang Tsino ang makaunawa at makakilala sa mga produkto ng Pilipinas.
Ayon naman kay Liu, isa pang tumangkilik ng nasabing promosyon, ang mga Tsino ay mahilig sa mga imported na produkto, pero kailangang magkaroon ng mas mabuting paraan ng pagpapakilala sa mga produktong Pilipino, at idaos ang mas marami pang promosyong kagaya nito.
Iminungkahi rin niyang dapat magkaroon ng kaalaman sa wikang Ingles ang host na Tsino, o kailangang nakakapagsalita ng wikang Tsino ang tagapagpakilalang Pilipino, upang magawa ang mas mabuting introduksyon tungkol sa mga produkto.
Ang Singles' Day Online Shopping Festival
Ayon sa bagong labas na datos, umabot sa 498.2 bilyong Yuan Renminbi ($US75.1 bilyon) ang ini-ulat na benta ng Taobao at Tmall sa katatapos na 11 araw na Single's Day Online Shopping Festival ngayong taon, na lumikha ng record high.
Noong 2019, nasa mga 268.4 bilyong RMB ($USD38.4 bilyon) ang inirehistrong benta ng Alibaba, samantalang noong 2018, ang bilang na ito ay nasa 213.5 bilyong RMB ($USD30.5 bilyon).
Ang Singles' Day ay isang taunang pangkomersyong aktibidad na sinimulan ng e-commerce giant na Alibaba noong 2009.
Ito ang siya na ngayong pinakamalaking online shopping event para ipakilala sa mga mamimiling Tsino ang mga produkto mula sa buong mundo.
Ang Singles' Day, na tinatawag din bilang double 11 (11.11) Festival sa Tsina, dahil ang buwan ng Nobyembre ang siyang ika-11 buwan ng taon, kasama ang ika-11 araw nito.
Kinakatawan ng mga numerong 11.11ang pag-iisa at pagiging "single."
Nagsimula itong ipagdiwang ng mga walang nobyo o nobyang mag-aaral ng Nanjing University ng Tsina noong dekada 90, bilang pagkilala sa kanilang pagiging "single," at makalipas ang ilang taon, nakilala ito sa buong bansa.
Sa kasalukuyan, ang Singles' Day Online Shopping Festival ay nagsisimula sa hating gabi ng Oktubre 31 hangggang hating gabi ng Nobyembre 11.
Kaugnay nito, sinabi ni Jiang Fan, Presidente ng Taobao at Tmall, mas maraming livestream shopping session ang ginawa ngayong taon upang maabot ang mas maraming kostumer.
Aniya, mga 400 company executives at 300 internet celebrities ang nag-endorso ng maraming promo; mula sa kotse hanggang sa mga apartment.
Dagdag pa riyan, sa kauna-unahang pagkakataon, mahigit 2,600 bagong dayuhang tatak ang dinala ng Tmall Global sa Singles' Day ngayong taon, at lumahok din ang Kaola (cross-border e-commerce platform ng Alibaba), na nagpakilala ng mga produkto mula sa 89 na bansa at rehiyon ng mundo.
Hinggil dito, ipinahayag ni Hu Qimu, Senior Researcher ng China Digital Economy Institute, na ang Singles' Day ngayong taon ay hindi lamang isang kaganapang komersyal, dahil ito ay may mahalagang papel sa pagpapa-angat ng panloob na konsumo, na siya namang magpapabuti ng ekonomiya ng Tsina at buong mundo.
Panayam/Ulat: Rhio
Edit: Jade
Source:Vera/Sarah/Frank/Jade
Larawan: VCG/Jade/Rhio/Frank