Hinimok ng Tsina ang ilang bansa na agarang itigil ang pakiki-alam sa mga suliraning panloob ng Tsina, na kinabibilangan ng mga suliranin ng Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR).
Ipinahayag ito Nobyembre 12, 2020, sa preskon sa Beijing, ni Wang Wenbin, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, bilang tugon sa pagbatikos ng ilang bansang kanluran sa pagdiskwalipika ng Pirmihang Lupon ng Pambansang Kongresong Bayan ng Tsina (NPC) sa apat na miyembro ng Hong Kong Legislative Council (LegCo).
Sinabi ni Wang na ang desisyon ng Pirmihang Lupon ng NPC ay angkop sa pundamental na kapakanan ng lahat ng mamamayang Tsino, na kinabibilangan ng mga taga-Hong Kong.
Makakabuti rin ito sa pangangalaga ng soberanya, katiwasayan at pag-unlad ng bansa, at sa seguridad at kasaganaan ng Hong Kong.
Binigyan-diin ni Wang na ang mga suliranin ng Hong Kong ay suliraning panloob ng Tsina, walang anumang bansa ang may kapangyarihang maki-alam dito. Hindi magtatagumpay ang anumang sabwatan na nais sirain ang soberanya, seguridad at pag-unlad ng Tsina.
Salin:Sarah