Sa kanyang paglahok kahapon, Sabado, ika-14 ng Nobyembre 2020, sa Ika-15 East Asia Summit (EAS) sa pamamagitan ng video link, binigyang-diin ni Premyer Li Keqiang ng Tsina, na matatag at di-magbabago ang determinasyon ng kanyang bansa sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagan sa South China Sea.
Sinabi ni Li, na buong tatag na pangangalagaan at pasusulungin ang "rule of law" sa pandaigdig na plataporma.
Nakahanda rin aniya ang Tsina, kasama ng mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), na komprehensibo at mabisang isagawa ang Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea, at matatag na pasulungin ang pagsasanggunian tungkol sa Code of Conduct.
Dagdag ni Li, sa balangkas ng kooperasyon ng Silangang Asya, laging itinataguyod ng Tsina ang nukleong katayuan ng ASEAN.
Iginigiit din aniya ng Tsina ang mga prinsipyo ng hindi pakikialam sa mga suliraning panloob ng isa't isa, pagkakasundo sa pamamagitan ng pagsasanggunian, at pagsasaalang-alang sa interes ng iba't ibang panig.
Salin: Liu Kai