Pormal na nilagdaan kamakailan ang kasunduan sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).
Pagkaraan ng 8 taon at 31 round na pormal na talastasang sinimulan noong 2012 batay sa mungkahi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), ang pagpirma sa kasunduan ay malaking tagumpay na natamo ng 15 kasaping bansang kinabibilangan ng mga bansa ng ASEAN, Tsina, Hapon, Timog Korea, Australia at New Zealand.
Ito rin ay itinuturing na pinakamahalagang bunga sa halos 20-taong proseso ng integrasyong pangkabuhayan sa Silangang Asya.
Sa pamamagitan ng RCEP, naitatag ang pinakamalaking malayang sonang pangkalakalan sa daigdig.
Batay sa data noong 2018, halos 2.3 bilyon ang populasyon, mahigit $US25 trilyon ang Gross Domestic Product (GDP), at $US5.2 trilyon ang kabuuang halaga ng pagluluwas ng lahat ng 15 kasaping bansa.
Ang lahat ng mga bilang na ito ay pinakamalaki sa kumpara sa mga naitalang malayang sonang pangkalakalan sa daigdig.
Sa online na seremonya ng paglalagda sa kasunduan, sinabi ni Premyer Li Keqiang ng Tsina, na sa ilalim ng kasalukuyang kalagayang pandaigdig, ang RCEP ay tila sinag ng ilaw na sumilip sa gitna ng madilim na ulap. Kumakatawan ito ng pag-asa at pananalig ng iba't ibang panig sa RCEP.
Komprehensibo at moderno ang kasunduan ng RCEP. Sumasaklaw ito hindi lamang sa mga tradisyonal na aspektong kinabibilangan ng kalakalan ng mga paninda, kalakalan ng mga serbisyo, at pamumuhunan, kundi rin sa mga bagong litaw na paksang gaya ng pagpapadali ng kalakalan, intellectual property, E-commerce, mga patakaran sa kompetisyon, pagbili ng pamahalaan, at iba pa.
Samantala, habang ibayo pang babawasan ng RCEP ang mga taripang pinababa na nitong ilang taong nakalipas, isinasaalang-alang din nito ang magkakaibang pangangailangan ng mga kasaping bansa, at hindi ipinapataw ang pinagtatalunang pamantayan sa yamang-tao, o pinipilit ang pagbubukas ng mahinang sektor ng alinmang kasapi.
Kaugnay nito, ipinahayag ng mga tagapag-analisa, na sa mga kasapi ng RCEP, may mga maunlad na bansa, umuunlad na bansa, at di-maunlad na bansa. Anila, ang paglakip ng mga patakarang preperensyal sa kasunduan ay para isakatuparan ang pagkabalanse sa pagitan ng iba't ibang bansang magkakaiba ang kalagayan ng kabuhayan, at makakabuti ito sa kabiyayaan ng lahat ng 2.3 bilyong mamamayan ng mga kasaping bansa.
Reporter: Liu Kai