Kailangang patuloy na manguna ang APEC sa pangangalaga sa kapayapaan at katatagan, pagtatanggol sa multilateralismo, at pagtatatag ng bukas na pandaigdigang kabuhayan.
Panawagan ito ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa online na APEC Economic Leaders' Meeting ngayong gabi, Nobyembre 20,2020.
Inilahad ni Xi, na ang isa sa pangunahing tungkulin ng APEC para sa taong ito ay paglulunsad ng post-2020 vision para sa kooperasyon sa hinaharap. Napagkasunduan ng mga miyembro ng APEC na itatag ang komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng Asya-Pasipiko, na magtatampok sa paggiging bukas, inklusibo, paglaki sa pamamagitan ng inobasyon, mas mahigpit na konektibidad, at kooperasyong may mutuwal na benepisyo.
Diin ni Xi, ang kooperasyong pangkabuhayan sa Asya-Pasipiko ay hindi zero-sum political game, kundi plataporma para sa kaunlarang may mutuwal na kapakinabangan.
Aniya, bilang miyembro ng APEC, ang Tsina ay walang pagbabagong naka-ugat sa rehiyong Asya-Pasipiko, makikiisa sa pagtatatag ng rehiyon at magdudulot ng kapakinabangan sa rehiyon.
Salin: Jade
Pulido: Mac