Ang niyebe o snow ay isa sa mga bagay na kinamamanghaan at kinagigiliwan ng maraming Pilipino.
Tuwing sasapit ang panahon ng Kapaskuhan, karaniwang makikita ang mga litrato, postcard, karatula at iba pang bagay na may-kaugnayan sa niyebe.
At siyempre, hindi puwedeng mawala ang mga kantang Pamaskong nagpapahayag ng mga salitang “snow” at “white Christmas.”
Kaya naman, ang niyebe ay naitanim sa kamalayan ng maraming Pilipino bilang simbolo ng kasiyahan, pagsasama-sama, pagdiriwang, at panahon ng Kapaskuhan at Bagong Taon.
Pero dahil sa heograpiya at tropikal na klima ng Pilipinas, hindi kailanman puwedeng umulan ng niyebe sa bansa; at maliban sa mga nangibang-bayan, maraming Pilipino ang hindi pa nakakita, nakahawak, nakapaglaro at nakapagpa-ulan sa niyebe.
Magkagayunman, bilang isang Pilipinong matagal nang naninirahan sa Beijing, Tsina, nais kong maghandog ng isang artikulong magbibigay ng mga interesante at mahalagang kaalaman tungkol sa niyebe, taglamig at kulturang Tsinong may-kaugnayan sa mga ito.
Niyebe Menor o Xiao Xue, ano ba ito?
Ngayong araw, Nobyembre 22 ay simula ng Niyebe Menor o XiaoXue, ang ika-20 sa 24 na solar term ng Nong Li o Tradisyunal na Kalendaryong Tsino.
Katulad ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, magsisimulang aambon ng niyebe sa pagsapit ng panahon ng Xiao Xue, at ang hangin ay dahan-dahang magiging tuyo at malamig.
Sa video na kuha ko kahapon, makikita ninyong natutunaw ang mapuputi at maninipis na niyebe sa pagbagsak sa lupa, at ito ang tinatawag na Niyebe Menor.
Kagaya ng Pilipinas, ang Tsina rin ay isang agrikultural na bansa, at bilang produkto ng daan-daang taon ng pag-unlad, nabuo ang Tradisyunal na Kalendaryong Tsino, na siyang ginagamit na gabay sa pagtatanim, pag-aani, pag-iimbak ng pagkain at iba pang gawaing may-kaugnayan sa agrikultura at pamumuhay ng mga magsasakang Tsino.
Hinahati nito ang 24 na solar term sa apat na panahon (Tagsibol, Tag-init, Taglagas at Taglamig).
Ang mga solar term na ito ay bunga ng pag-unlad ng sibilisasyong agrikultural ng Tsina.
Humigit-kumulang 15 araw ang isang solar term, at sa taong ito, ang Xiao Xue ay magtatapos sa Disyembre 6.
Sa panahon ng Xiao Xue, ang temperatura sa karamihang bahagi ng hilagang Tsina ay unti-unting babagsak sa mas mababa pa sa sero digri sentigrado.
Sa gawing hilagang-silangan naman ng Tsina [malapit sa Siberia], mas maaga ang pagbagsak ng niyebe, at sa panahon ng Xiao Xue, karaniwang makikitang gumagawa ng snowmen at naglalaro ng mga bolang gawa sa niyebe ang mga mamamayan.
Samantala, sa panahong ito namumulaklak ang mga Daffodil, kaya ang Xiao Xue ay isang kaaya-ayang pagkakataon upang pagmasdan ang nakahahalinang kagandahan ng nasabing mga bulaklak.
Sa kabilang dako, pagdating sa pagkain, naniniwala ang mga Tsino na nawawala ang bitalidad at buhay ng lahat ng nilalang at bagay-bagay sa pagpasok ng Xiao Xue.
Kaya naman, kumakain sila ng mga partikular na pagkaing magpapanatili ng kanilang kalusugan – mga pagkaing mayaman sa protina, bitamina, calcium at iba pang sustansiya.
Narito ang ilan sa mga kilalang pagkaing-Tsino sa pagpasok ng Xiao Xue:
Pulang Dates – dahil sa taglay nitong protina, asukal, organic acid, bitamina A, bitamina C, ibat-ibang uri ng calcium at amino acid, ang mga prutas na ito ay popular na pansahog sa ibat-ibang lutuin sa Tsina. Bukod pa riyan, ginagawa rin itong meryenda lalo na kapag lumalamig ang panahon.
Kakanin – ang Saucy Steamed Gluten [isang uri ng kakanin] ay isang tradisyunal na putahe sa lunsod Shanghai, gawing silangan ng Tsina. Kinakain ito bilang pampagana sa panahon ng Xiao Xue. At dahil sa mga sahog nito na gaya ng pulang dates, tremella, buto ng lotus, at daylilies, magkakaiba ang lasa nito sa bawat palapag o layer, na gustung-gusto ng lahat ng mga tao, bata man o matanda.
Atsara- sa gawing hilaga at hilagang-silangan ng Tsina, maraming gulay ang nawawala sa panahon, tuwing taglamig. Kaya naman, sa pagpasok ng Xiao Xue, inaatsara ng mga tao ang mga gulay na tulad ng repolyo, wombok o Chinese cabbage, labanos, labong at marami pang iba upang magkaroon sila ng suplay ng gulay sa taglamig. Pero, kasabay ng pag-unlad ng ekonomiya at teknolohiya sa agrikultura, makikita na ngayon sa mga pamilihan sa buong Tsina ang mga sariwang prutas at gulay kahit taglamig. Magkagayunman, mayroon pa ring mga taong gumagawa ng inatsarang gulay sa pagpasok ng Xiao Xue dahil ito ay isa nang tradisyong nagpapa-alala sa mga tao ng kanilang nakalipas at ginintuan kabataaan.
Pinindang o Preserbadong Karne – noong nakaraan, hindi pa ganoon kaunlad ang Tsina at iilan lamang ang kayang bumili ng refrigerator. Sa pagpasok ng Xiao Xue, kung kailan, nag-uumpisang bumagsak ang temperatura, ipinipindang o ipinipreserba ng maraming pamilyang Tsino ang karne para umabot ang suplay hanggang sa tagsibol. Katulad din ng pag-aatsara, kahit malayo na ang narating ng Tsina sa pagpuksa sa kahirapan, at mayroon nang mga makabagong teknolohiya at matatag na suplay ng sariwang karne sa buong taon, may mga pamilya pa ring pinipili ang magpindang ng karne. Ayon pa nga sa ilan, mas masarap daw ang pinindang kaysa sa sariwang karne.
Sinabawan – sa pagpasok ng Xiao Xue, pinapagana ng mga komunidad, kompanya, tanggapan ng pamahalaan at mga kabahayan ang kanilang mga heater. Bilang resulta, marami ang nagkakaroon ng tuyong lalamunan at ilong. Ayon sa Tradisyunal na Medisinang Tsino (TCM) ang pagkakaroon ng sobrang init sa katawan ay magdudulot ng problema sa kalusugan tulad ng singaw sa bibig, pagtubo ng taghiyawat at iba pa. Pinapayuhan din ng mga eksperto ang mga mamamayan na huwag kumain ng maraming maahang na pagkain dahil sanhi rin ito ng pagkakaroon ng sobrang init. Ang solusyon ay paghigop ng masarap na sabaw o soup na gaya ng sinabawang repolyo, bean curd soup, sinabawang kulitis at tokwa, at sinabawang labanos na may karne ng tupa.
Artikulo/Video: Rhio Zablan
Edit: Jade
Source: Sarah
Larawan: VCG/Jade