Isang mensahe ang ipinadala ngayong araw, Lunes, Nobyembre 23, 2020, ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina kay Kalihim Teodoro Locsin Jr. ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas (DFA) kaugnay ng pananalasa ni bagyong Ulysses (international name Vamco) sa Pilipinas.
Ipinahayag ni Wang, na maraming kasuwalti at kapinsalaan sa mga ari-arian ang idinulot ng bagyong Ulysses, at ipinaaabot niya ang pakikiramay sa mga nasawi at pakikidalamhati sa mga kamag-anakan, mga nasugatan, at mga apektadong mamamayang Pilipino.
Nakahanda aniya ang pamahalaang Tsino na magbigay ng tulong sa abot ng makakaya.
Naniniwala si Wang, na sa ilalim ng pangangasiwa ng pamahalaang Pilipino, at patnubay ni Pangulong Rodrigo Duterte, malalampasan ng sambayanang Pilipino ang kalamidad at muling maitatayo ang mga tahanan sa lalong madaling panahon.
Matatandaang ipinahayag ng pamahalaang Tsino nitong nagdaang Biyernes, Nobyembre 20 na magkakaloob ito ng PHP22 milyon (tatlong milyong RMB) para suportahan ang pagsisikap ng pamahalaang Pilipino upang tulungan ang mga apektado ng bagyong Ulysses.
Samanatala, noong unang dako ng Nobyembre, nauna nang nagbigay ang pamahalaang Tsino ng mga kagamitang panaklolo na nagkakahalaga ng PHP7.3 milyon (isang milyong RMB) para tulungan ang mga Pilipinong nasalanta ng bagyong Rolly.
Salin/Edit: Jade
Pulido: Rhio